Filtered By: Topstories
News

Ang unang babae sa puso ni Andres Bonifacio


Alam niyo ba na pangalawang asawa na ni Andres Bonificao si Gregoria de Jesus, at ang kaniyang unang misis ay namatay sa isang sakit na pinandidirihan noong panahon na sakop ng mga Kastila ang Pilipinas?

Isang magandang dalaga na kalugar ni Andres sa Tundo, Maynila ang kaniyang unang pinakasalan na ang pangalan ay Monica.

Pero ilang taon pa lamang silang nagsasama, nagkasakit ng ketong (leprosy) si Monica at binawian ng buhay.

Ayon sa historian na si Xiao Chua, mula sa DLSU Manila, maaaring isipin na isang mabuting mister si Andres dahil sa ginawa niyang pag-aalaga hanggang sa huling sandali ng buhay ni Monica.

Nang mga panahon iyon, ang ketong ay isang sakit na pinandidirihan at itinuturing walang lunas.

Makaraan ang ilan taon mula nang maging biyudo, nakilala at pinakasalan ng noo'y 29-anyos na si Andres ang 18-anyos pa lamang na si Gregoria, na nakilala niya sa Caloocan.

Bukod sa kasal sa simbahan sa Binondo, nagpakasal din sina Andres at Gregoria sa ritwal ng Katipunan kung saan kinilala ang kaniyang maybahay bilang "Lakambini" ng Katipunan.

Nagkaroon ng anak na lalaki sina Andres at Gregoria pero namatay din sa sakit nang bata pa. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia