Filtered By: Topstories
News

Ilang aktibidad sa Adivay fest ng Benguet at Christmas contest sa Baguio, kinansela bilang pakikiisa sa 'Yolanda' victims


Ilang aktibidad sa selebrasyon ng taunang Adivay Festival sa La Trinidad, Benguet ang kinansela bilang pakikiisa sa mga sinalanta ng bagyong "Yolanda" sa Visayas region. Kasabay nito, kinansela rin ng Baguio City ang ilang aktibidad nila ngayong kapaskuhan.

Sa ulat ni Hazel Cawaing ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabing hindi na gagawin sa Sabado ang highlight ng Adivay festival na "grand kanyao."

Ginagawa sa grand kanyao ang nagtitipon-tipon ng mga tao, nagkatay ng mga baboy, at mayroon ding katutubong sayawan habang pinapatugtog ang instrumentong gong.



Sa halip na grand kanyao, magdaraos na lamang umano ng solidarity prayer ang mga tao bilang pakikiisa sa mga biktima ng kalamidad.

Gayunman, nitong Huwebes ay dinagsa ang drum and lire kung saan may 14 paaralan ang naglaban-laban, mas madami sa siyam na sumali noong 2012.

Samantala, inanunsiyo naman ng lokal na pamahalaan ng Baguio City na kakanselahin na rin ang ilang aktibidad nila ngayong Pasko kabilang na ang best Christmas decor  contest sa mga establisimyento.

Ang nakalaan sanang presyo na P200,000 sa naturang pakontest ay idodonate na lamang umano sa mga nasalanta ng bagyong "Yolanda." -- FRJ, GMA News