Anti-political dynasty bill, suportado ng ilang senador
Suportado ng ilang senador ang Anti-political Dynasty bill o ang panukalang batas na magbabawal sa magkakamang-anak na sabay-sabay o salit-salitang tatakbo sa lokal o national na posisyon sa pamahalaan.
Ayon kay Senate finance committee chairman Sen. Chiz Escudero, susuportahan niya kung ano man ang maaprobahang bersyon ng committee at boboto siya pabor dito ngunit hindi umano siya makikibahagi sa deliberasyon.
Aniya, ayaw niyang makialam sa pagbalangkas ng naturang panukala dahil ayaw nitong pagdudahan na isinusulong ang personal interest.
Nabatid na sa Senado, marami ang magkakamag-anak kabilang na dito ang magkapatid na sina Sen. Pia at Alan Peter Cayetano, maging ang magkapatid sa ama na sina senators Jinggoy Estrada at JV Ejercito na ang ama na si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada ay alkalde sa lungsod ng Maynila.
Si Ejercito ay isa sa mga senador na may-akda ng Anti-political Dynasty bill sa Senado.
Si Sen. Nancy Binay naman ay ama ang kasalukuyang bise presidente na si Jejomar Binay, habang alkalde at kongresista ang mga kapatid.
Sa ngayon nasa committee pa lamang ang naturang panukala sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Lumusot na ito sa committee level. — Linda Bohol /LBG, GMA News