Pagbebenta ng paputok para sa Kapaskuhan, ipinagbabawal sa Zambo City
Dalawang buwan matapos ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng mga tagasunod ni Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari, ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ang pagbebenta ng paputok para sa Pasko at Bagong Taon.
Inilabas ni City Mayor Isabelle Climaco ang Executive Order BC 23-2013 na nag-uutos ng "temporary suspension on display and use as well as sale and distribution" ng mga paputok at pyrotechnics na gagamitin sa lungsod.
"However, business permits may be issued to licensed dealers in Zamboanga City for purposes of sale, distribution and use outside Zamboanga City," sabi ng lokal na pamahalaan sa social networking account nito.
Noong Setyembre, inokupa ng mga tagasunod ni Misuari ang ilang bahagi ng Zamboanga City, at nang-hostage ng ilang sibilyan.
Nabawi naman ng militar ang mga nasabing lugar mula sa MNLF at idineklara nang tapos ang krisis bago matapos ang Setyembre.
"City-wide curfew remains in effect 12 mn to 4 a.m. Please be guided accordingly," sabi nito.
Samantala, ipinaalala din ng lokal na pamahalaan na special non-working holiday sa Lunes November 25 sa Zamboanga City at sa Bohol dahil sa special barangay elections.
Naantala ang halalan sa Zamboanga City dahil sa epekto ng bakbakan doon. Samantala, ipinagpaliban ang eleksyon sa Bohol dahil sa pinsalang tinamo ng probinsya nang yanigin ito ng magnitude-7.2 na lindol noong ika-15 ng Oktubre. — JGV /LBG, GMA News