Filtered By: Topstories
News

Makatwiran ba ang mga batikos sa PNoy gov't kaugnay sa pagtugon sa 'Yolanda' victims?



Kabila-kabilang puna at mga reklamo ang inabot ng pamahalaan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III dahil sa umano'y mabagal na pagkilos upang mabigyan ng tulong ang mga naapektuhan ni "Yolanda," ang itinuturing isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa Pilipinas.

Sa tindi ng hagupit ni "Yolanda," halos nabura sa mapa ang mga bayan at lungsod sa may limang lalawigan na tinamaan ng bagyo. Maraming bahay ang nawasak, natumba ang napakaraming puno at poste ng kuryente, nawalang ng komunikasyon, napinsala maging ang ilang airport at pantalan, at hindi madaanan ang mga kalsada.

Sa kabila ng naging pahayag ni Aquino isang araw bago tumama ang bagyo, na nakahanda ang gobyerno na tumugon sa mga pangangailangan ng mga maapektuhan ni "Yolanda," tila hindi iyon nangyari matapos makita na higit sa inaasahan ang pinsalang iniwan ng bagyo.
 
Nitong Huwebes, inamin ni Secretary Herminio "Sonny" Coloma Jr., pinuno ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na mayroon silang pagkukulang sa paghahanda at pagtugon sa mga biktima ng kalamidad.
 
"Kung mayroon pong mga pumupuna, tinatanggap naman po natin iyong kanilang pagpuna. Hindi po natin itinatanggi na maaaring nagkaroon ng mga pagkukulang. Pero iyon po ay bunga na rin ng mga severe constraints," ayon sa kalihim.
 
"Hindi naman po sinasadyang huwag pagtuunan [iyon] ng pansin," pahabol ng opisyal.
 
Nilinaw din ni Coloma na hindi naman nagkulang ang pamahalaan sa pagbibigay ng babala sa nakaambang peligro sa pagtama ng bagyo.
 
"If we review the transcript, the President warned of storm surge na maaaring umabot ng up to six meters. Kaya in terms of the framework that is prescribed by law, na-anticipate naman po ng ating pamahalaan iyong mga possible scenarios katulad din po nung mga nakaraang pagkakataon especially in the case of Typhoon Pablo," paliwanag niya.
 
"So in terms of preparation, in terms of emergency alert, masasabi po natin na ginawa po ang nararapat at naaayon sa batas na tungkulin ng pamahalaan," ayon kay Coloma.
 
Sa ulat na ipinalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Sabado ng umaga, nasa 3,633, katao na ang nasawi dahil sa bagyo,  1,179 ang nawawala at 12,487 ang nasugatan.
 
Aabot naman sa dalawang milyong katao ang nawalan ng tirahan matapos itong mawasak o mapinsala ng bagyo. Mayroong 86,909 pamilya o 422,290 katao ang kinakailangan manatili muna sa mahigit isang libong evacuation centers.

Ang tunay na mga kalaban
 
Kabilang sa mga nagpahayag ng matinding pagkadimasya sa aksiyon ng gobyerno ay ang batikang direktor na si Peque Gallaga, na mainit pang pinag-usapan sa mga social media.

Ayon sa direktor, ang mga lider ng ating bansa at hindi ang bagyong si "Yolanda" ang tunay na kalaban ng mga Pilipino.
 
“What our leaders tell us is contradicted by the reports from international commentators, who are understandably more objective and growing less dispassionate as they witness the horrors around them.

"What our leaders tell us is also contradicted by the victims in these areas who are slowly able to give us the true picture of the realities of the situation.

“And the reality is that people are starving.

"The dead still lie on the streets even five days after the event," bahagi ng batikos ni Direk Gallaga.
 
Basahin: Direk Peque Gallaga rages against President Aquino over alleged slow relief efforts
 
Maging ang ilang dayuhang mamamahayag na nasa Pilipinas at nagko-cover sa pinsala ni "Yolanda" ay nagpahayag din ng kanilang pagtaya sa ginagawang hakbang ng gobyerno para matugunan ang matinding pangangailangan ng mga nakaligtas sa kalamidad.
 
Basahin: Analysis: Hero to zero? Philippine president feels typhoon backlash
 
Sa isang panayam noong Huwebes, idinepensa naman ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang ginagawa ng pamahalaang Aquino para matulungan ang mga biktima ng bagyo.
 
"In our doctrine, or in our framework, the local government unit is the first responder, the national government [is] supposed to come at day 2 or day 3 to be able to support that," paliwanag niya. "That's why on zero plus day 1, we were able to open the airport, zero plus day two, we were able to open the road to the airport. We are now at day 6, municipalities are now accessible by land."

Sa sitwasyon na napakarami ang biktima, napakalawak ang pinsala at kakulangan ng kagamitan ng gobyerno, sinabi ni Roxas na hindi magiging madali ang lahat.
 
Pero sa pagdating ng mga tulong mula sa ibang bansa, tiniyak ni Roxas na mapapabilis na at maaabot ng tulong ang lahat ng mga biktima ni "Yolanda."
 
Maging ang opisyal ng United Nations ay naniniwala na mahusay na nagagampanan ng pamahalaang Aquino ang pagtugon sa naging epekto ng mapaminsalang bagyo.

"The Philippine authorities have done a tremendous job in extremely difficult circumstances," ayon kay Martin Nesirky, tagapagsalita ng UN Secretary-General. -- FRJimenez, GMA News
Tags: talakayan