Kwento ng kabayanihan: Guro na nagligtas ng mga kababayan, nasawi sa hagupit ni 'Yolanda'
Sa panahon ng kalamidad, lumulutang ang mga kwento ng bayanihan. Mga taong handang isugal ang buhay para sa kapakanan ng iba. Sa Concepcion, Iloilo, isang 52-anyos na guro ang nasawi matapos mabagsakan ng puno habang tinutulungan makalikas ang kaniyang mga kababayan.
Basahin: Pighati ng ina na nawalan ng anak habang tumutulong sa ibang biktima ni 'Yolanda': 'Sorry, Lorenzo'
Sa ulat ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabi ni Gng. Estrella Landera na pinigilan niya ang anak na si Rogelio na huwag nang sumama sa rescue operation dahil sobrang malakas ang bagyo.
Pero nanindigan umano ang gurong si Rogelio na magampanan ang kaniyang tungkulin bilang rescue volunteer nang sandaling iyon.
"Nagkulang sila sa preparasyon at sa gamit. Wala silang helmet, wala ring botang pang-rescue," kwento ni Gng Estrella. "Sabi niya gagawin daw niya ang kaniyang obligasyon at 'yon ang pagtulong sa mga tao."
Sa kasagsagan ng pananalasa ni Yolanda, ilang kababayan ang pinuntahan at pinasakay ni Rogelio sa trak para lumikas. Pero dahil sa lakas ng hangin at ulan, isang puno ang bumagsak sa trak at mapuruhan ang guro na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ngayon wala na si Rogelio, inaalala ngayon ng pamilya ang kinabukasan ng apat na anak na kaniyang naiwan lalo pa'y siya lang ang inaasahan ng pamilya.
Umaasa ang pamilya na sana'y matutulungan sila ng pamahalaan. -- FRJ, GMA News