Filtered By: Topstories
News

Probinsiya ng Leyte hinagupit ng super typhoon Yolanda


Mahigit isang daang mga katawan ang nakitang nakahandusay sa kalsada ng Tacloban City sa Leyte matapos itong hagupitin ng Super Typhoon Yolanda nitong Biyernes.

"100-plus dead, lying in the streets, with 100 plus injured…this report was relayed to us by our station manager so it is considered very reliable information," pahayag ni Civil Aviation Authority of the Philippines deputy director general John Andrews sa isang panayam sa telebisyon.
 
"According to the station manager, the airport is completely ruined,” dagdag pa nito, matapos tanggapin ang ulat ng opisyal nang magkaroon ito ng pagkakataon na tumawag sa head office sa Manila gamit ang isang high-frequency radio.

Hinagupit ng Bagyong Yolanda ang Leyte at ang karatig nitong probinsiya na Samar na may lakas ng hanging umaabot sa 315 kilometro kada oras. Ang super typhoon na ito ang itinalang pinakamalakas ng bagyo sa buong mundo ngayon taon.
 
Simula nang hagupitin ng Bagyong Yolanda ang Eastern Visayas noong Biyernes, wala nang komunikasyon mula sa mga taga-Leyte at Samar dahil nasira ang mga cellsite.
 
Tanging ang report lamang nina Jiggy Manicad at Love Añover sa programang “State of the Nation” nitong Biyernes ng gabi ang nakapagbigay ng impormasyon mula sa Palo, Leyte.
 
Anim na oras ang nilakad ni Manicad para lamang makakuha ng signal mula sa satellite ng GMA News. Samantala, emosyonal naman si Añover, na mismong taga-Leyte, matapos nitong masaksihan ang pagkagiba ng isang katedral. Nag-aalala din siya para sa kanyang pamilya sa nasabing probinsiya.
 
Sa report pa rin nina Manicad at Añover, sinabi nila na nakaranas ang mga taga-Palo at taga-Tacloban ng mga storm surge.
 
Sa tala ni Manicad, may 31 katao ang namatay sa Leyte. Kasama na rito ang 20 katao na nakita niyang nakahimlay sa simbahan ng Palo. — VC, GMA News