PNoy, nagbabala sa seryosong peligrong dala ng 'super typhoon' na si 'Yolanda'
Muling nagbigay ng national address nitong Huwebes ng gabi si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, ngunit hindi tungkol sa pagharap sa Senado ni Janet Lim-Napoles, kung hindi para paalalahanan ang publiko sa seryosong peligro na dala ng bagyong "Yolanda," na ikinukonsiderang "super typhoon."
Sa kaniyang mensahe, nanawagan si Aquino ng bayanihan at kooperasyon ng mga Pilipino sa harap ng nakaambang panganib na maaaring idulot ng bagyo na inaasahang mananalasa sa Visayas region at bahagi ng Luzon simula sa Biyernes.
"Tulad ng ginawa natin noong pagdating ni (bagyong) Pablo noong nakaraang taon, minabuti ko pong humarap sa inyo upang ipabatid kung gaano kaseryoso ang peligrong kakaharapin ng ating mga kababayan sa darating na mga araw, at upang manawagan ng bayanihan at kooperasyon," ayon sa pangulo.
Basahin: Super typhoon Yolanda is the strongest storm this year, worse than Odette
"Umabot na, at aabot pa, sa storm signal number 4 ang lakas ng hangin sa ilang mga lugar dulot ng bagyong ito. Sa kasalukuyang datos, mukha pong mas matindi ang hagupit ni Yolanda kaysa kay Pablo; nagdarasal na lang nga po tayo na dahil sa tulin ng takbo nito, ay hindi na siya pumirmi sa ating mga lalawigan upang gumawa ng mas marami pang pinsala," dagdag niya.
Isinagawa ni Aquino ang paghahatid ng mensahe matapos niyang kausapin at kumuha ang mga datos mula sa mga dalubhasa ng Department of Science and Technology, PAGASA, at Mines and Geosciences Bureau.
Basahin: Walang Pasok: No classes Friday in several provinces, cities due to Yolanda
Sinabi ng pangulo na nasa 600 kilometro ang diameter ni "Yolanda" at inaasahang tatama sa mga lalawigan ng Samar at Leyte simula mamayang hatinggabi. Dagdag niya, babagtasin nito ang mga probinsya ng Masbate, Cebu, Panay, Romblon, Mindoro, at Palawan, bago tuluyang lumabas sa Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng gabi.
"Bukod sa inaasahang bugso ng hangin, ulan, pag-apaw ng mga ilog, pati ang posibilidad ng pagdagsa ng lahar sa mga pook malapit sa bulkan ng Mayon at Bulusan, mino-monitor din po natin ang banta ng mga storm surge sa mahigit isandaang mga pook," patuloy ni Aquino.
Nagbabala siya sa panganib na idudulot ng storm surge sa Ormoc, Ginayangan Ragay Gulf sa Albay, at Lamon Bay sa Atimonan, na maaari umanong umabot ng lima hanggang anim na metro ang taas ng alon sa mga nabanggit na lugar.
Ikinukonsiderang "super typhoon" ang isang bagyo kung taglay nito ang maximum sustained winds na 234 kph o higit pa. Ayon sa PAGASA, taglay na ni "Yolanda" ang lakas ng hangin na 215 kph malapit sa gitna at pagbugso ng 250 kph.
Ayon pa kay Aquino, nasa Leyte na sina Defense Secretary Voltain Gazmin at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas upang pamunuan ang paghahanda sa pagtama ni "Yolanda."
Idinagdag na niya na nakahanda na ang pambansa at mga panlalawigang sangay ng Disaster Risk Reduction and Management Council, mga ipamamahaging relief goods sa mga evacuee, pati na ang sasakyan tulad ng tatlong jumbo planes na C-130, at mga eroplano at helicopter ng Air Force, at mga barko ng Philippine Navy sa Cebu, Bicol, Cavite, at Zamboanga.
"Magsilbi rin po sanang babala ang pahayag na ito sa ating mga LGU, seryosong peligro po ang kinakaharap ng inyong mga nasasakupan. Gawin na po natin ang ating magagawa habang hindi pa lumalapag si 'Yolanda.' Uulitin ko po, seryosong peligro ito, at maaaring mabawasan ang epekto kung gagamitin natin ang impormasyon upang maghanda," paalala niya. -- FRJimenez, GMA News