Filtered By: Topstories
News

1,234 Tropical Cyclone sa Pilipinas sa loob ng 63 taon


Bawat taon, nasa 19 na Tropical Cyclone (TC) ang average na pumapasok sa ating Philippine Area of Responsibility (PAR). Pero alam niyo kung anong taon nangyari na umabot sa 32 bagyo ang pumasok sa PAR at 19 dito ang tumama o dumaan mismo sa ating bansa?

Kahit 19 na TC lang ang average na pumapasok sa PAR bawat taon, may nakalaan ang PAGASA ng 35 pangalan (10 ang reserba) na ipinapangalan sa mga bagyo bawat taon.

Ngayong Nobyembre 2013, magiging pang-24 na bagyo na ang paparating na TC na papangalanang "Yolanda."

Magmula taong 1948 hanggang 2011, umabot sa 1,234 ang TC na pumasok sa PAR, at 570 dito ang dumaan o kaya naman ay tumama sa kalupaan ng Pilipinas.

Noong 1993, umabot sa 32 ang TC na pumasok sa PAR, at 19 dito ang tumama o dumaan mismo sa Pilipinas. Samantala, 31 ang TC na pumasok sa PAR noong 1964 at 15 naman dito ang tumama o dumaan mismo sa bansa.

Ang iba pang taon na umabot sa mahigit 25 ang TC na pumasok sa PAR at nagamit ang reserbang pangalan ng mga bagyo ay naganap noong 1952 at 1971 kung saan umabot sa 27 ang TC. -- FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia