Filtered By: Topstories
News

Plebisito sa paglikha ng bagong lalawigan ng Davao region, isasabay sa barangay elections


Bukod sa pagpili ng mga bagong opisyal sa barangay, boboto rin ang mga mamamayan ng Davao del Sur kung pabor sila sa bagong batas para biyakin ang kanilang lalawigan at malikha ang bagong lalawigan na Davao Occidental.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing ang pagbiyak sa Davao del Sur at pagbuo sa Davao Occidental ay nakapaloob sa ipinasang batas na Republic Act 10360.

Kailangan mayorya ng mga botante ang pumabor sa nabanggit na batas para matuloy ang paglikha sa bagong lalawigan sa Davao region.

Sakaling pumabor ang mas maraming botante sa nabanggit na batas, mapapasailalim ng Davao Occidental ang mga munisipalidad ng Sta. Maria, Malita, Don Marcelino, Jose Abad Santos at Sarangani.

Samantala, mananatili naman sa Davao del Sur ang lungsod ng Digos at mga munisipalidad ng Malalag, Sulop, Kiblawan, Padada, Hagonoy, Sta. Cruz, Matanao, Bansalan at Magsaysay. -- FRJ, GMA News