Filtered By: Topstories
News

Mga klase sa Nueva Ecija, suspindido hanggang Biyernes bunga ng hagupit ni 'Santi'


Suspindo hanggang sa Biyernes ang klase sa mga pampublikong at pribadong paaralan sa lalawigan ng Nueva Ecija bunga ng naging pinsalang iniwan ng nagdaang bagyong "Santi."
 
Sa ulat sa dzBB radio nitong Miyerkules, sinabi ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali na ang pagsuspindi ng mga klase ay para mabigyan ng panahon ang pagsasaayos ng mga napinsalang paaralan.
 
Ang Nueva Ecija ay isa sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity bunga ng matinding pananalasa ng bagyong "Santi."
 
Sa ulat na pinalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Miyerkules, umabot na sa 15 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyo, at 32 ang nasugatan at lima naman ang nawawala.
 
Idinagdag pa sa ulat ng NDRRMC na umabot sa 187,321 pamilya o 900,421 katao mula sa 800 barangay sa 76 bayan at nine na lungsod sa 14 lalawigan, ang naapektuhan ng bagyo.
 
Sa nasabing bilang, 1,334 pamilya o 5,924 katao ang tumutuloy sa 41 evacuation centers.
 
Samantala, nasa 10,837 kabahayan naman ang nawasak at 48,164 kabahayan ang napinsala.
 
Tinatayang umabot naman sa P3,286,702,208.20, na kinabibilangan ng P114,473,200 sa empraestruktura at P3,172,229,008.20 sa agrikultura ang halaga ng pinsala ng bagyo. -- FRJ, GMA News

Tags: typhoonsanti