Filtered By: Topstories
News
4 pang mga labi ng hinihinalang miyembro ng MNLF, narekober sa Zamboanga City
Apat pang mga labi ng pinaniniwalaang mga tagasunod ni Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari ang narekober mula sa clearing operations sa Zamboanga City, inihayag ng pulis nitong Lunes.
Sa ulat ni Tuesday Niu ng radio dzBB, sinabi ni Region 9 police spokesman Chief Inspector Ariel Huesca na 90 porsyento nang kumpleto ang clearing operation sa Sector 2 ng lungsod.
Ayon kay Huesca, sakop ng Sector 2 ang Barangay Sta. Barbara, kung saan naganap ang karamihan sa mga mabibigat na bakbakan noong nakaraang buwan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng mga tagasunod ni Misuari.
Narekober mula sa lugar ay apat na mga bangkay at dalawang hindi pa sumasabog na ordnance, isang granada, isang 40-mm projectile, at isang rifle grenade, ayon sa ulat.
Matapos ang 20 araw na bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ang MNLF, idineklara ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na tapos na ang krisis noong Setyembre 28.
Gayunpaman, naapektuhan ang clearing operations noong nakaraang linggo dahil sa mabigat na pag-ulan at pagbaha na nakaapekto sa lungsod. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular