Filtered by: Topstories
News

Walo katao, patay sa pananalasa ng bagyong 'Santi'


Walo katao ang naitalang patay, at hindi bababa sa walong lugar sa Luzon ang nawalan ng kuryente dahil sa paghagupit ng bagyong "Santi," ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

“Initially mayroon tayong napaulat na tatlong nasawi, dalawa sa Pampanga at isa sa Nueva Ecija… At may two more from Nueva Ecija,”  pahayag ni Maj. Reynadlo Balido Jr., tagapagsalita ng NDRRMC, sa press briefing na umere sa dzBB radio nitong Sabado.

Ang unang naitalang nasawi ay mula sa Candaba Pampanga na sinasabing nakuryente. Samanatala, natabunan naman ng putik ang ikalawang biktima mula sa bayan ng Magalang.

Tatlo naman ang nasawi matapos silang mabagsakan ng isang puno sa Nueva Ecija. Kasabilang sa mga nasawi ay isang bata na edad pito, at isang 70-anyos.

Samantala, sa hiwalay na panayam sa radyo, sinabi ni Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado na dalawang bata at isang matanda ang nalunod sa nasabing probisiya.

Dagdag pa ni Balido, ilang residente mula sa iba’t bayan ng Cagayan Valley, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, at Aurora ang pinalikas sa kani-kanilang bahay dahil sa peligro dulot ng matinding pag-ulan.

Nawalan ng kuryente

Samantala, hindi naman bababa sa walong lugar sa Luzon ang nawalan ng kuryente dahil sa hagupit ni "Santi."  Naantala rin ang paghahanap ng mga awtoridad sa tatlong nawawalang mangingisda sa Bicol region.

Sa  ipinalabas na ulat ng NDRRMC nitong Sabado ng umaga, kinilala ang mga nawawalang mangingisda mula pa noong Martes na sina Andres Timuat, 42; Edilberto Arcilla, 55; at Jose Burak, 58.

"Search and rescue operation was not conducted due to the weather," ayon sa ulat ng ahensiya.

Ang mga nawalan naman ng suplay ng kuryente ay ang mga lugar ng:

- Quirino province: Aglipay town
- Nueva Vizcaya: Alfonso Castañeda, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Aritao
- Isabela: San Agustin at Jones
- Aurora: Dingalan

Sinabi pa ng NDRRMC na nasa 551 pamilya o 2,302 tao mula sa 57 na barangay sa Cagayan Valley at Central Luzon ang inilikas at kasalukuyang nasa mga evacuation center.

Humina na si "Santi" matapos tumama sa kalupaan ng Dingalan nitong Biyernes ng gabi, at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Resposnibility sa Linggo. --  RRDinglasan/JGV/FRJ, GMA News 

Tags: santi, typhoon
LOADING CONTENT