Kampana sa mga simbahan, pinatunog vs pork barrel, katiwalian sa gobyerno
Ilang simbahan sa bansa ang nagpatunog ng kanilang kampana na tumagal ng may tatlong minuto nitong Biyernes bilang pagkondena sa umano'y katiwalian sa pamahalaan at pag-abuso sa pondo ng bayan.
Ayon kay Rev. Fr. Ben Alforque, MSC, Convener ng Church People’s Alliance Against Pork Barrel, umaasa silang makakagising ng konsensiya ang pagtunog ng mga kampana upang tuluyang ibasura ng pamahalaan ang kontrobersiyal Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala ring "pork barrel" funds ng mga mambabatas.
“Kasi the moment they hear the bells, they can’t deny anymore the extent of the people’s cry for this pork barrel to be abolished,” pahayag ni Alforque.
Sinabi nito na may 21 archdioceses at dioceses ang nakibahagi sa pagpapatunog ng kampana na isinagawa dakong 1:00 pm., matapos ang isinagawang misa.
“Para sa simbahan at mananampalataya ‘yong bells ay nangangahulugan na God is with us and God is calling us together to consecrate on him because God is with us, we have to be close to the poor for justice, because God is calling us to him, we have to return to him and ask the leaders of our country to repent,” paliwanag ni Alforque.
Kabilang sa mga simbahan na nakibahagi umano sa pagpapatunog ng kampana ang malalaking simbahan ng Quiapo at Baclaran.
Isasagawa naman sa Oktubre 14 ang susunod na hakbang ng mga kontra sa pork barrel funds kung saan magtutungo sila sa Kongreso, kung saan tinatalakay ang 2014 budget ng pamahalaan.
Kongreso ang pwedeng magbasura sa PDAF
Samantala, inamin naman ng isang opisyal sa Malacañang na tanging ang Kongreso lang ang may kapangyarihan na buwagin ang PDAF, bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.
"Of course, the Supreme Court justice is correct because the PDAF as far as it is embodied in the General Appropriations Act is [a] law and only Congress can repeal or amend or modify a law," pahayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte nitong Biyernes.
Dagdag pa niya, ang Kongreso lang ang maaaring mag-amyenda o magbago ng batas at hindi ang pangulo.
"Of course the SC justice is correct... the 2013 GAA (General Appropriations Act) is already a law (and) it is Congress that can amend or modify the law, not the President," patuloy ni Valte.
Ipinaliwanag naman niya na sinuspindi ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapalabas ng PDAF ngayong 2013 dahil sa napaulat na anomalya sa paggamit ng pondo na aabot sa P10 bilyon mula 2007 hanggang 2009 na nasilip ng Commission on Audit.
Matapos lumabas ang ulat ng COA, inihayag ni Aquino noong Agosto na panahon na para buwagin PDAF.
Bawat taon, nakakatanggap ng tig-P70 milyong PDAF ang mga kongresista at P200 milyon naman sa bawat senador.
Kamakailan lang, inihayag ng mga lider sa Kamara de Representantes na ang PDAF ng mga mambabatas para sa 2014 ay inilipat na sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Valte na nais ng pamahalaang Aquino na matigil na ang pag-abuso sa PDAF sa susunod na taon.
"If you recall, when the President made that announcement, he was saying that we are going to work with Congress on how to go about this particularly because the abolition relies on the repeal or the non-inclusion in the next year," paliwanag ng opisyal.
"We are working with them on how to make that happen. The budget deliberations are still ongoing and there are also debates on how to address the needs of the constituents that were formerly addressed by funding from the PDAF," dagdag niya. -- PF/FRJ, GMA News