Filtered by: Topstories
News

Pamilya Ejercito-Estrada, pinag-iinitan nga ba ng administrasyon?


Matapos kasuhan ng plunder si Senador Jinggoy Estrada, pinapa-diskwalipika naman ngayon si Laguna Governor George "ER" Ejercito. Kaya reklamo ni Senador Joseph Victor "JV" Ejercito, tila pinag-iinitan ng administration Liberal Party ang kanilang pamilya.

Magkapatid sa ama (kay dating Pangulo at ngayo'y Manila mayor Joseph Estrada) sina Sens. Jinggoy at JV. Pinsan naman nila si ER, na anak ng pumanaw na aktor na si George Estregan, kapatid ni Mayor Erap.

Nitong nagdaang May 2013 elections, kapwa tumakbo sa koalisyon  ng United Nationalist Alliance (UNA) sina ER at JV, na naging mahigpit na karibal ng ruling party LP.

Sa text message, hindi maalis ni JV ang tila "too much coincidence" sa nangyari sa kaniyang pinsang si ER at ang nakabinbing disqualification case pa rin sa kaniyang amang si Erap na nanalong alkalde nitong nagdaang halalan.

"Timing lang is suspect, since I was almost removed from the winning circle last elections, my father has a hanging Supreme Court disqualification case, then now the disqualification of Governor ER," puna ng bagitong senador.

Kinasuhan ng Department of Justice ng plunder si Jinggoy sa Office of the Ombudsman dahil sa umano'y maanomalyang paggamit ng kanilang priority development assistance funds (PDAF), na kilala rin bilang "pork barrel" funds.

Ang kaso ay kaugnay sa inilabas na special audit report ng Commission on Audit, kung saan naungkat ang umano'y mga pekeng non-governmental organization (NGOs) na itinayo ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, at pinagdaanan umano ng PDAF ni Jinggoy mula 2007 hanggang 2009.

Panoorin: Sen. Jinggoy Estrada, binatikos ang COA, DBM at ilang mambabatas kaugnay sa pork barrel scam

Bukod kay Jinggoy, kinasuhan din ang ilan pang mambabatas kasama sina Senate Minority leader Juan Ponce Enrile at Sen. Bong Revilla Jr., at si Napoles.

Magkakasama rin sa grupong minorya sa Senado na nagsisilbing oposisyon sina Jinggoy, Enrile at Revilla.

Samantala, inirekomenda naman ng Commission on Elections (Comelec) First Division na idiskwalipika si Gov. ER dahil sa sobrang ginastos umano sa kampanya nitong nakaraang halalan.

Lumabas ang desisyon ng Comelec nitong Huwebes na nagsasaad na lumampas sa itinakdang gastos ang gobernador sa kampanya na aabot lang dapat sa P4.5 milyon.

Pero sa television advertisement pa lang, umabot na sa P6 milyon ang gastos ni Ejercito, ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes.

Ang reklamo laban kay ER ay mula kay Edgar San Luis, ang natalong kandidato sa pagka-gobernador ng LP.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni ER na ipaglalaban niya ang kaniyang posisyon at sinabing biktima siya ng lumalalang pulitika sa bansa.

Ayon kay JV, ang nakabinbing disqualification case laban sa kaniyang amang si Erap ay isinampa ni Alicia Risos-Vidal, isang abogado na umano'y konektado kay dating Manila Mayor Alfredo Lim, na kasapi naman ng LP.

Hindi sila pinag-iinitan

Paliwanag naman ng Malacañang, hindi pinag-iinitan ng administrasyon ang pamilya Ejercito-Estrada.

"I can only answer as far as iyong mga PDAF [priority development assistance fund] investigations are concerned [but] again, they are not being singled out," ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa press conference sa Palasyo.

Iginiit din ni Valte na ang kaso laban kay Jinggoy ay base sa mga nakalap na katibayan.

"Nandun po sa COA [Commission on Audit] report iyong basehan pati po doon sa mga testimonya noong mga whistleblowers yung mga taong nakasuhan po or sinampahan po ng kaso ng DOJ," paliwanag niya.

Tungkol sa kaso ni Gov. ER, sinabi ni Valte na ang Comelec ang dapat magpaliwanag sa usapin.

Sa panayam ng GMA News TV's "News To Go," sinabi ni Chairman Brillantes na ang desisyon lupon ay base rin sa katibayan at hindi sa kinaanibang partido politikal.

"Wala po kaming pakialam kung ano partido, kung sino ang tinatamaan. Basta may violation ng election law, hindi po namin pinagbibigyan. Wala pong kinalaman sa pulitika ang mga desisyon namin dito," giit ng opisyal.

Idinagdag niya na maging kaalyado ng LP na si Antique Governor Exequiel Javier, ay nahaharap din sa kaso dahil sa paglabag sa "ban" sa pagsuspindi sa public officials noong election period.

"Election offense ho ang chinarge namin sa kanya [Javier]. Kriminal. Mabigat pa dahil puwede siya makulong doon," paliwanag ni Brillantes. -- FRJimenez, GMA News

Tags: talakayan
LOADING CONTENT