Filtered By: Topstories
News

Outreach program sa Albay, binulabog ng mga putok ng baril; mga residente, nagkagulo


Nabulabog ang community outreach program na idinaos sa isang paaralan sa Camalig, Albay matapos pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang likuran ng isang silid-aralan na malapit sa pinagdausan ng programa. Sa ulat ni Michelle Chua ng GMA-Bicol sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing ilang residente ang nasaktan dahil sa pagtutulakan upang makakubli. Ang nasabing outreach program ay isinagawa ng ilang grupo para sa mga residente ng Camalig. Nagkaloob sila ng libreng medical at dental check-up, mga gamit sa paaralan at ilan pang gamit. Habang isinasagawa ang programa, bigla na lang narinig ang sunod-sunod na putok ng baril na tumagal ng may dalawang minuto. Sa pag-aakala ng ilang residente na ang mismong outreach program ang pakay ng mga putok, nagkagulo ang mga tao at nag-unahan sa pagkubli. Kaagad namang rumesponde ang mga sundalo na malapit sa lugar at nakita umano ang tatlong pinaniniwalaang rebelde na nagpaputok ng baril pero hindi na nahuli. Tinarget umano ng mga rebelde ang likuran ng isang silid-aralan na hindi kalayuan sa paaralan na pinagdausan ng programa. Paniwala ni Col. Raul Fernacio ng Army, nagpaparamdam at nais lang manggulo ng mga NPA. Makaraang matiyak na ligtas ang lugar, itinuloy naman ang programa sa pagtulong sa mga residente. -- FRJ, GMA News