P10 umento sa minimum wage ng mga manggagawa sa NCR
Magkakaroon ng P10 pagtaas sa kasalukuyang P456.000 daily minimum wage ang mga manggagawa sa Metro Manila simula sa Enero 2014.
Sa pahayag na ipinalabas ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz nitong Biyernes, ang dagdag na P10 sa sahod ay nakapaloob sa Wage Order No. 18 na dinesisyunan Regional Tripartite Wage and Productivity Board of the National Capital Region (RTWPB-NCR).
“The RTWPB-NCR also decided to integrate P15 of the existing P30 Cost of Living Allowance (COLA) under RTWPB-NCR Wage Order No. 17 into the basic wage effective 1 January 2014. This will bring the new basic wage to P451 and the new minimum wage to P466," pahayag ng kalihim.
Ayon kay DOLE-NCR Regional Director Alex Avila, chairperson ng RTWBP-NCR National Capital Region, saklaw ng bagong minimum wage ang lahat ng minimum wage workers sa pribadong sektor anuman ang posisyon nito.
Gayunman, hindi nito sakop ang mga kasambahay at iba pang nasa personal service kabilang ang mga family driver; at mga nasa duly registered Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs).
Ayon kay Baldoz, sa nakalipas na 14 na taon, 12 beses nang naitaas ang minimum wages sa NCR na aabot na sa P268 per day, na doble na umano sa P125 across-the-board wage increase na hinihingi ng ilang grupo.
Magpapalabas naman ang NCR Board ng Rules and Regulations sa pagpapatupad ng Wage Order sa loob ng 10 araw matapos itong maipalabas sa mga pahayagan. — FRJ, GMA News