Filtered By: Topstories
News

Tubig sa gripo sa 4 na barangay sa Dagupan City, 'di ligtas na inumin


Ipinagbawal muna ng City Health Office sa mga residente sa apat na barangay sa Dagupan City, Pangasinan ang pag-inom ng tubig mula sa gripo makaraang lumitaw na positibo sa bacteria ang tubig na nagmumula dito. Sa ulat ni Ronald Umangay ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing nagsagawa ng pagsusuri ang City Health Office sa tubig mula sa gripo dahil matagal na nababad ang mga tubo sa baha bunga ng mga nagdaang pag-ulan. Bagaman positibo sa bacteria ang mga tubo ng tubig patungo sa mga bahay, negatibo naman ang resulta ng pagsusuri sa mga tubo na patungo sa mga paaralan. Pinayuhan ng City Health Office na huwag munang uminom ng tubig mula sa gripo ang mga residente ng barangay Pogo Chico, Tapuac, at barangay Dos at Tres. Ayon kay Dr. Leonard Cabonell, City Health officer, maaari namang gamitin sa ibang bagay ang tubig mula sa gripo tulad sa paglalaba o paglilinis. Aniya, delikadong inumin ang tubig mula sa gripo dahil maaaring mayroon pa itong mikrobyo na magdudulot ng mga sakit tulad ng cholera, typhoid, hepatitis, at amoebiasis. Gumagawa na umano ng paraan ang lokal na pamahalaan para malinis ang mga tubo. Sa Urdaneta City, pinayuhan naman ang residente na bumibili ng tubig sa mga water refilling station na tiyakin may sanitary permit ang mga ito para matiyak na malinis ang tubig na bibilhin. -- FRJimenez, GMA News

Tags: dagupan