Filtered By: Topstories
News

Parola sa Lauis Ledge, hiniling na itayo para maiwasan ang banggaan ng mga barko sa Cebu


Nanawagan sa Department of Transportation and Communications ang Konseho ng Talisay sa Cebu na magtayo isang lighthouse o parola sa Lauis Ledge, kung saan nagbanggaan ang dalawang barko na nagresulta ng pagkasawi ng mahigit 100 katao.   Sa pagpasa ng resolusyon, inihayag ng konseho na maaaring maiwasan sa ang nangyari noong Agosto 16  kung mayroon lamang parola sa lugar, ayon sa ulat ng Philippine News Agency nitong Miyerkules.   Ang resolusyon ay ipinanukala ni City Councilor Antonio Bacaltos Jr, na nagsabing dapat protektahan ang mga residente laban sa mga manmade disaster.   Nagpadala si Bacaltos ng kopya ng resolusyon sa mga opisyal ng DOTC at Department of Budget upang humingi ng tulong pinansiyal sa proyekto, dagdag sa ulat.   Umabot na sa 110 ang nasawi sa nangyaring banggaan ng MV Saint Thomas Aquinas 1 at MV Sulpicio Express Siete.   Nagdulot din ng matinding oil spill ang banggaan sa lalawigan partikular sa bayan ng Cordova, at naging dahilan para ideklara ang state of calamity sa lalawigan.-- JGV/FRJ, GMA News

Tags: cebu