Bangkay ng lalaki na nakita sa karagatan ng Ormoc, inakalang galing sa lumubog na barko sa Cebu
Pinagkaguluhan ng mga tao ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki nang maiahon ito mula sa dagat sa Ormoc City nitong Martes ng hapon. Ang bangkay na walang saplot sa katawan ay nakitang lumulutang sa dagat ng mangingisdang si Danilo Vicera dakong 5:00 p.m. Una itong inakala na kasama sa mga sakay ng lumubog ng barkong MV Saint Thomas Aquinas 1 sa Cebu. Ngunit nang suriin ni Dra. Sarah Hemoso ang bangkay, lumitaw na dalawa hanggang tatlong araw pa lang itong patay kaya hindi umano maaaring kasama ito sa lumubog na MV Saint Thomas Aquinas 1. Lumubog ang MV Saint Thomas Aquinas 1 sa Cebu noong Agosto 16, matapos na salpukin ng ng MV Sulpicio Express Siete. May nakita ring sugat sa bangkay na hininalang mga tama ng bala ng baril sa magkabilang balikat nito. Gayunman, sinabi ni Hermoso na walang vital organs na tinamaan sa katawan ng biktima at pagkalunod ang lumilitaw na dahilan ng kanyang pagkamatay. Kaagad na inilibing ang biktima dahil sa masangsang na ang amoy nito. - Ronnie Roa/FRJ, GMA News