Filtered By: Topstories
News

56 katao, patuloy na hinahanap sa lumubog na barko sa Cebu


Labing-isang araw matapos ang banggaan ng dalawang barko sa karagatang sakop  ng Cebu, 56 katao pa rin ang nananatiling nawawala, ayon sa Philippine Coast Guard nitong Martes.   Batay ito sa pinakahuling update ng Coast Guard sa bilang ng mga nailigtas, narekober, at mga nawawalang pasahero ng MV Saint Thomas Aquinas 1 nitong Martes ng tanghali.   Maliban sa 56 katao na nawawala, umabot na sa 81 ang bilang ng mga nasawi sa trahedya na narekober. Kinabibilangan ito ng 76 pasahero at limang crewmembers.   Samantala, 733 katao naman ang nailigtas.   Lumubog ang MV Saint Thomas Aquinas 1 noong Agosto 16 matapos mabunggo ng  MV Sulpicio Express 7.   Maliban dito, nagkaroon din ng oil spill mula sa lumubog na barkong MV St Thomas Aquinas na labis na nakaapekto sa bayan ng Cordova sa Cebu.   Inilagay ang buong probinsiya sa ilalim ng state of calamity dahil sa naturang oil spill.   Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring banggaan upang malaman kung sino ang may pananagutan sa naganap na trahedya. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News