Mga mangingisda sa Pangasinan, apektado na ang kabuhayan dahil sa mga bagyo
Problemado na ang mga mangingisda sa Pangasinan kung saan kukuha ng kanilang panggastos sa araw-araw dahil patuloy pa rin silang pinagbabawalang pumalaot dahil sa peligro ng masamang panahon dulot ng mga bagyo. Sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa GMA news Unang Balita nitong Martes, sinabi ng isang mangingisda na apektado na ang kanilang kabuhayan mula pa noong pagtama ng bagyong "Labuyo." Noong nakaraang linggo, pinagbawalan din silang pumalaot bunga ng bagyong Maring na pinatindi pa ng Habagat. Ngayon naman, ang bagyong "Nando" ang dahilan kaya hindi pa rin pinapayagang pumalaot ang mga mangingisda. Ayon sa isang mangingisda, ang iba sa kanila ay naghahanap ng pagkakakitaan tulad ng pag-side sa trabaho upang may maipambili ng pagkain para sa kani-kanilang pamilya. Samantala, ilang paaralan at barangay pa rin ang lubog sa bahay sa Pangasinan dahil sa nakaraang mga pag-ulan. Apat katao ang nasawi sa nakaraang hagupit ng kalamidad sa Pangasinan, at umabot sa mahigit P420 milyon ang pinsala sa agrikultura at empraestruktura. -- FRJ, GMA News