Ang kabayanihan ng Pinoy sa gitna ng Habagat
Gaano man kalalim ang baha, walang hindi magagawa basta’t nagtutulungan ang bawat isa.
Ito ang nasaksihan ng ilang YouScoopers sa kasagsagan ng pananalasa ng Habagat sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa isang ulat ng “News To Go,” ilang mga YouScoopers ang nakakita ng kabayanihan ng ating kapwa. Halimbawa, sa Pamplona 3 sa Lungsod ng Las Piñas, nakita ni Angelica Cosme si Rogelito, 19, na tinutulungan ang isang matandang babae habang lumulusong sa bahang may taas hanggang baywang. Tumawid umano si Rogelito upang buhatin lamang ang matanda patawid ng kalsada.
Nasaksihan naman ni Christian Sison sa España, Maynila ang isang batang palaboy na tumutulong sa mga tao sa baha nang walang hinihinging kapalit.
Sa Bacoor, Cavite, nakita ni Benjie Masa ang isang lalaking naglilinis ng isang tulay habang patuloy ang buhos ng ulan. Inaalis pala ng lalaki ang mga basurang nagkalat upang makaraan ang mga tao sa tulay.
Ayon naman kay YouScooper Ronald Tan, nagtulong-tulong ang mga residente ng San Antonio Valley 15 sa Sucat, Parañaque upang mailigtas ang isang anim na buwang sanggol at dalawang matanda na na-trap sa isang bahay na lubog sa may gadibdib na taas ng tubig-baha.
Samantala, sa Meycauayan, Bulacana, isang barkada ang gumawa ng “Pinoy amphibian,” isang sasakyan na gawa sa isang motorsiklong may katawang yari sa fiber glass. Isinasakay nila rito ang kanilang mga kapitbahay nang walang binabayarang pamasahe.
"Medyo mabilis siyang makapunta dun sa mga pwedeng mangailangan," ani ng isa sa mga gumawa ng sasakyan. Plano pa umanong mas pagandahin ang istilo at porma ng Pinoy amphibian.
Iba pang halimbawa ng pagiging malikhain ng Pinoy ang paglalagay ng bangko o monoblack chairs sa loob ng kanilang pedicab upang hindi mabasa ang kani-kanilang mga pasahero.
Habang sinasalanta rin ng Habagat ang Luzon, may ilan tayong mga kababayan ang makikitang naglalangoy sa baha, kahit na mahigpit itong ipinagbabawal ng Department of Health dahil sa banta ng leptospirosis.
Bukod sa mga bata, may isa rin ‘sirena’ na si Rita ang nakitang nagre-relax sa baha. Suot ang kanyang bikini at buntot, lumusong ito sa tubig-baha.
“Only in the Philippines,” ‘ika nga. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News