Filtered By: Topstories
News

Mga bayan sa Pangasinan, nalubog sa baha; state of calamity, idineklara sa Sta Barbara


Ilang bayan sa lalawigan ng Pangasinan ang nalubog sa baha dahil sa walang tigil na pag-ulan. Idineklara naman ang state of calamity sa Sta Barbara dahil sa dami ng naapektuhan ng pagbaha. Sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing 12 barangay sa Sta Barbara ang nalubog na sa baha. Sa bayan ng Aguilar, mahigit 100 pamilya sa barangay Bukbok West ang inilikas partikular ang mga nakatira malapit sa ilog. Sa bayan naman ng Calasiao, 10 barangay na ang naapektuhan ng pagbaha at may 43 pamilya ang inilikas at dinala sa evacuation center. Bahagya naman humupa ang baha sa bayan ng Bugallon kung saan ang baha ay umabot hanggang baywang nitong Lunes. Patuloy namang binabantayan ang antas ng tubig sa ilog ng Sinukalan at Agno dahil inaasahan na magdudulot ito ng mas matinding problema sa baha kapag umapaw ang mga tubig. Sa ngayon ay hindi pa naman nagpapakawala ng tubig ang San Roque dam na dadaloy sa dalawang nabanggit na ilog. Puspusan naman ang paglalagay ng sand bag sa bahagi ng dike na nasira sa Sinukalan river. Isang 40-anyos na babae naman ang hinahanap matapos mawala sa grupo ng mga turistang nag-trekking sa Sumaging cave sa Mt Province. -- FRJ, GMA News