Filtered By: Topstories
News

Sen. Cynthia Villar, pinakamayaman sa 12 nanalong senador; Trillanes, 'pinakamahirap'


Si Senador Cynthia Villar ang pinakamayaman sa listahan ng 12 senador na nanalo sa nakaraang halalan nitong Mayo. Samantala, pang-lima naman si Senador Nancy Binay na nagtrabaho bilang personal secretary ng kanyang mga magulang. Batay sa listahan ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga nanalong senador na inilabas ng Senado sa media, lumitaw na mayroong  P1.2 bilyon na total assets si Villar, misis ng dating senador at negosyanteng si Manny Villar. Nasa ikalawang puwesto naman si Sen. Grace Poe na may total assets na P147.8 milyon. Si Poe ay anak ng batikang aktres na si Susan Roces at namayapang action king na si Fernando Poe Jr. Nagsilbi rin siyang dating chairperson ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB). Nasa ikatlo at ikaapat na puwesto naman sina Sens. Juan Edgardo Angara na may total assets na P93.8 M, at Joseph Victor Ejercito na may ari-arian na P72.1M. Si Sen. Nancy Binay na nagsilbing personal assistant ng kanyang mga magulang na sina Vice President Jejomar Binay at dating Makati City Mayor Elenita Binay, ay nasa ikalimang puwesto na may total asset na P63.9 milyon. Ang pinsan ni Pangulong Benigno Aquino III na bagitong senador at negosyanteng si Paolo Bam Aquino IV, ay nasa ikasiyam na puwesto na may kabuuang ari-arian na P18.2 milyon. Samantala, si re-electionist Sen Loren Legarda ay nasa ika-anim na puwesto (P41.9M), na sinundan nina Sens. Alan Peter Cayetano (P22.5 M), Gregorio Honasan (P20.9M), Aquilino Pimentel III (P17M), at Francis Joseph Escudero (P7.9M). Itinuturing "pinakamahirap" naman si Antonio Trillanes IV dahil pinakamaliit ang nakalagay nitong total assets na umaabot sa P4.2 milyon. -- FRJimenez, GMA News