Filtered By: Topstories
News

2 barko, nagbanggaan sa karagatan ng Cebu; 1 sa 2 barko, may sakay na halos 700 pasahero at crew


Lima katao na ang iniulat na nasawi, habang mahigit 300 pasahero at crew pa ang kailangang sagipin matapos magbangaan ang dalawang barko sa Cebu nitong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ng late-night news ng GMA's Saksi nitong Biyernes, sinabing tuluyang lumubog na ang pampasaherong MV St. Thomas Aquinas ilang oras matapos makabanggaan ang cargo ship MV Sulpicio Express 7.

Aabot umano sa 692 passengers at crew ng MV St. Thomas Aquinas. Mahigit sa 300 na umano ang nasagip at patuloy ang search and rescue operation sa lugar.

Sa isang panayam sa telepono ng GMA News, sinabi ni Rear Admiral Luis M. Tuason Jr. ng Philippine Coast Guard na kaalis lang sa pantalan sa Cebu ang MV St. Thomas Aquinas patungo sa Manila nang makabanggaan ang MV Sulpicio Express 7.

Samantala, sinabi ni Central Visayas regional police director Generoso Cerbo Jr. na wala pang pagkakakilanlan sa mga biktima.
 
Ayon kay Cerbo, zero visibility sa lugar na pinangyarihan ng insidente dakong 9:00 p.m sa karagatang malapit sa Talisay at Cordova.
 
Sinabi ni Admiral Tuason na malubha ang naging pinsala ng pampasaherong barko habang maliit ang pinsala sa cargo ship na tumulong naman sa pagsagip sa mga pasahero ng nakabanggaang barko.
 
Kasama rin umano sa rescue operations ang Coast Guard at mga bangkang pangisda sa lugar.— FRJ, GMA News