Filtered by: Topstories
News

CA justice sa Fort Boni case, pinag-iinhibit; asawa ng mahistrado, iniugnay sa UNA nina Binay, Erap


Nais ng lokal na pamahalaan ng Taguig City na huwag nang makialam sa pagdinig sa kaso ng agawan sa teritoryo ng Bonifacio Global City ang mahistrado ng Court of Appeals (CA) na nagdesisyon pabor sa lokal na pamahalaan ng Makati City.   Sa 12-pahinang petition for inhibition na isinumite ni Taguig Mayor Ma. Laarni Cayetano, hiniling niya kay Associate Justice Marlene Gonzales-Sison na huwag na itong makialam sa kaso dahil sa paniwala na hindi ito magiging patas sa paglalabas ng desisyon sa pag-aagawan ng Taguig at Makati sa Bonifacio Global City. Basahin: Rich get richer: Makati gains while Taguig loses Fort Boni in court decision   Ayon kay Cayetano, si Justice Gonzales-Sison ay asawa ni Atty. Casimiro "Cassy" Sison, na dating piskal at kasalukuyang konsehal ng Maynila.   Patuloy ng alkalde ng Taguig, si Atty. Sison ay kilalang kasapi umano ng United Nationalist Alliance (UNA), na koalisyon ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) na pinamumunuan nina dating pangulong at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada at Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na pinangungunahan naman ni dating Makati Mayor at ngayo'y Vice President Jejomar Binay.    "Together with Senator Juan Ponce Enrile, the three are known as the three kings of UNA," nakasaad sa petisyon ni Cayetano.   Kasalukuyang alkalde ng Makati ang anak ni Binay na si Mayor Erwin "Junjun" Binay.   "Atty. Cassy Sison's membership in UNA and close association with Vice President Binay cast serious doubt on the impartiality of Hon. Gonzales-Sison, his wife and ponente in the caption case," paliwanag sa petisyon.   Idinagdag ni Cayetano na ang magiging desisyon ng CA sa kaso kung anong lungsod ang nakasasakop sa Bonifacio Global City ay magdudulot ng hinala na isa itong "'political decision' meant to curry favor with Vice President Binay for (Gonzales-Sison's) future appointment to the Supreme Court."   Basahin: Makati expects P6B additional revenues from Fort Boni takeover "Such suspicion could very well be unfounded and unfair to Hon. Gonzales-Sison. But her relationship with Atty. Cassy Sison and his ties to UNA do not help remove the suspicion," ayon sa petisyon.   Idinagdag ni Cayetano na nalathala rin sa ilang pahayagan noong Agosto 10 ang pahayag ni Enrile na pabor siya sa naging desisyon ng Sixth Division ng CA na pinonente ni Justice Gonzales-Sison na nagsasaad na ang Makati ang tunay na may-ari ng Bonifacio Global City.   Lumabas sa naturang desisyon ng Sixth Division noong Hulyo 30, na nagbabaliktad sa July 2011 ruling ng Pasig City Regional Trial Court na nagpawalang-bisa naman sa Presidential Proclamation Nos. 2475 at 518 na nagsasaad na ang pinag-aagawang lupain na kinatitirikan ng Bonifacio Global City ay sakop ng Makati City.    "Plaintiff-appellee Taguig City pray for Hon. Gonzales-Sison be replaced by another justice who shall be chosen by raffle from among the remaining members of her division who participated in the rendition of the decision dated 30 July 2013," hiling sa petisyon ni Cayetano.   Bukod sa motion to inhibit, maghahain din ang Taguig ng motion for reconsideration (MR) upang mabaliktad ang nasabing desisyon ng CA na pinonente ni Justice Gonzales-Sison. — FRJ, GMA News