Filtered By: Topstories
News

PNoy: Walang indikasyon na magkaugnay ang mga pagsabog sa CDO at Cotabato sa banta ng terorismo


Wala pa umanong indikasyon na magpapatunay na magkaugnay ang dalawang pagpasabog na naganap sa Cagayan de Oro at Cotabato, at ang impormasyon tungkol pagbabanta ng pag-atake ng teroristang grupo na al Qaeda, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.

"Wala tayong indicator na ganun," pahayag ni Aquino sa media nang makapanayam sa Subic, Zambales nitong Martes.

Una rito, naglabas ng babala ang Interpol kaugnay sa plano umano ng international terrorist group na al Qaeda na muling maglulunsad ng mga pag-atake.

Pero ayon kay Aquino, hindi dapat kaagad na iugnay ang lahat ng pambobomba sa terorismo dahil maaari rin umano itong kagagawan ng mga magkakalabang grupo sa pulitika.

"Meron ding potential political angle diyan sa Cotabato, meron ding criminal dun naman sa CDO. So we are exhausting all of these, investigating leads to determine exactly who perpetrated (these)," aniya.

Dagdag ni Aquino, maaaring mayroong mga "sector" na hindi sang-ayon sa pagpapatuloy ng peace process sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Nitong Lunes, walo ang namatay at 32 ang sugatan sa pagsabog ng bomba sa isang kalye sa Cotabato City. Naganap ito ilang linggo lamang matapos ang pagsabog sa labas ng isang restaurant sa Cagayan de Oro City na naging sanhi ng pagkamatay ng walo katao.

Nakatakda namang makipagkita si Aquino sa kanyang security cluster ngayong Martes ng hapon upang kumuha ng impormasyon kaugnay ng dalawang pagpasabog.

Basahin: Cotabato City deadly car bomb 'unusual,' says ARMM governor

"At this point in time, the suspects have been the objects of our concern for a very long time and we’ve been pursuing the same suspects. Hindi pa sigurado that they are the parties responsible for this [but] I’m sure that we will be able to get all of these culprits in due time," aniya.

"Talagang terrorists by their nature iilan lang sila tagong-tago pero palagay ko mahahanap rin natin sila in the very near future," dagdag ni Aquino.

Samantala, sinabi ni Aquino na wala pa siyang natatanggap na hiling na ilagay ang Cotabato sa ilalim ng state of emergency.

"Pero titingnan natin kung kakailanganin natin. Baka naman initial reaction 'yon dahil nga kagimbal-gimbal naman ang nangyari dun," aniya.

Sinabi ng pangulo na tatalakayin ito sa kanyang pulong kasama ang Cabinet security cluster ngayong hapon.

"The assessment is in the afternoon at 2 o' clock. They will give me the indications of whether or not it is necessary to do so," ayon kay Aquino.  - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News