Filtered By: Topstories
News

Elepanteng si Mali, dapat nga bang ilipat sa Zoobic Safari?


Sa patuloy na pagdedebate ng Manila Zoo at animal rights group People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) para sa kinahinatnan ng nag-iisang elepante ng bansang si Mali (full name: Vishwa Maali), nagmungkahi ng isang kompromiso ang isang pribadong lokal na zoo operator sa Subic.

Matagal nang iminungkahi ng Zoomanity Group, operator ng Zoobic Safari sa Subic, ang permanenteng paglilipat ng elepante sa kanilang Forest Adventure Park sa Subic Bay Freeport, ayon sa naunang pahayag ni Evy Raquion ng grupo.

Inihayag niya ito matapos tanggihan ng Manila Zoo ang mungkahi ng PETA na ilipat si Mali sa isang sanctuary sa abroad.

Ayon kay Manila Parks and Recreation Bureau Director James Albert Dichavez, patuloy na tinatanggihan ng Manila Zoo ang paglilipat ng kanilang elepante sa abroad.

Kasabay ng PETA, nanawagan rin ang ilang lokal at dayuhang mga personalidad, kabilang na si rock icon Paul McCartney, sa gobyerno upang ilipat sa isang sanctuary sa Thailand si Mali.

Ngunit, ayon kay Dichavez, sa edad ni Mali na 39, nababahala silang baka hindi kayanin nito ang paglalakbay patungong Thailand.

Kompromiso

Para naman kay Zoobic Safari General Manager Delia De Jesus, hindi na kailangang lumayo ni Mali patungong Thailand.

"Hindi na niya kailangang mag-suffer sa travel going all the way to Thailand," aniya sa ulat na inilabas sa "Balitanghali" ng GMA News TV nitong Linggo. "Subic is very near Manila, so mas less stressful ang travel at saka, we will not be depriving the Filipino people to view Mali."



Ayon rin sa ulat, mayroong apat na malalawak na lote sa park na maaaring i-develop upang paglipatan ni Mali. Sa mga loteng ito, mayroong mga lumang bunker pa ng mga Amerikano noong World War II na maaari umanong gamitin bilang tahanan ni Mali, dagdag nito.

Maliban pa nito, ayon kay De Jesus, "ang plano naman namin is 'yung kung sinong nag-aalaga kay Mali sa Manila Zoo, kasama rin niya sa Zoobic Safari para very minimal ang adjustment niya."

"Bukod pa roon, mayroon pa kaming mga vets at keepers na qualified rin naman," dagdag niya.

Matatandaang nauna nang inihayag ng tagapangalaga ni Mali, si Noel Co, ang kanyang pagnanais na sundan ang kanyang alaga sa sanctuary sa Thailand upang masiguro niyang ligtas ito.

"Mas maganda yun," ani Co. "Para masiguro ko na aalagaan talaga siya dun."

Renobasyon

Samantala, wala pa mang tugon si Manila Mayor Joseph Estrada sa mungkahing permanenteng paglilipat ni Mali sa park, inihayag nito ang pagnanais na pansamantalang ilipat ang elepante sa Subic park habang isinasagawa ang renobasyon sa Manila Zoo, ayon sa naunang ulat ng "Balita Pilipinas Ngayon" ng GMA News TV.



Gayunpaman, tinututulan ng kapwa Manila Zoo at PETA ang plano ng mayor para kay Mali sa oras na magsisimula ang renobasyon, dagdag nito.

Patuloy na iginigiit ng PETA na sa sanctuary sa Thailand dapat ilipat si Mali, ayon sa ulat. Samantala, sabi naman ng Manila Zoo, maaaring ma-stress ang kanilang elepante sa byahe patungong Subic.

Dagdag naman ni Dichavez, maaari namang i-renovate ang zoo "phase by phase" upang maililipat lamang ang mga hayop sa isang bahagi ng zoo na hindi pa nire-renovate.

"We will renovate the zoo phase by phase para within the zoo lang ita-transfer ang mga ito [animals]," aniya.

"Ayaw rin naman natin ma-stress ang mga animals with the travel all the way to Subic so as much as possible, kung pwede namang hindi sila ilipat, gagawin," dagdag niya. — Amanda Fernandez/BM, GMA News