Isa pang barkong pandigma, bibilhin ng Pilipinas
Bukod sa kadarating lang na barkong pandigma na BRP Ramon Alcaraz, plano ng pamahalaan ng Pilipinas na bilhin ang isang French Navy vessel para patuloy na palakasin ang hukbong pandagat ng bansa. Sa ulat ng Agence France-Presse nitong Sabado, sinabi nito na plano ng Pilipinas na bilhin ang barkong “La Tapageuse” na nagkakahalaga ng $7.97 milyon. Ang nabanggit na barko ay may habang 54.8 metro ay isa lamang umano sa mga sasakyang pandagat na nakalinyang bilhin ng bansa. Sinabi pa sa ulat na ang nasabing French vessel ay mayroong dalawang kanyon at dalawang machine-gun. Bagaman 26 na taon nang ginagamit ng France ang nasabing sasakyan pandigma, maaari pa umano itong tumagal ng hanggang dalawang dekada. "This French vessel is multi-functional and it would be a major contribution to our fleet, particularly in our search and rescue operations," ayon kay Philippine Coast Guard chief Rear Admiral Rodolfo Isorena sa isang pahayag. Aniya, kinukumpleto rin umano ng gobyerno ang mga papeles upang bumili ng apat na bagong multipurpose vessels mula sa pamahalaan ng France. Inaasahan na darating sa Pilipinas ang mga bagong barko sa 2015. Hindi naman ipinahayag ng PCG kung magkano ang nasabing mga barko. Binanggit din ni Isorena na mayroong 10 multi-role patrol boats na ipinagkaloob ang pamahalaan ng Japan sa Pilipinas. Samantala, dumating nitong Biyernes sa bansa ang ikalawang barkong pandigma ng Pilipinas na BRP Ramon Alcaraz, isang second-hand US Hamilton-class cutter. Bukod sa mga sasakyang pandagat, bumili rin ng tatlong bagong Augusta 109 helicopter ang gobyerno upang paigtingin ang pagbabantay sa teritoryo ng bansa. Ang pagpapalakas sa hukbong pandagat ng Pilipinas ay nag-ugat sa umiigting na tensyon ng Pilipinas at China kaugnay ng pag-aagawan sa teritoryo sa West Philippine Sea. -- Rouchelle Dinglasan/FRJ, GMA News