Filtered By: Topstories
News

Fast craft,  tinangay ng malakas na alon matapos masiraan; 56 sakay nito, nailigtas


Isang fast craft na galing sa Ormoc City, Leyte at papunta sana sa Cebu ang tinangay ng malakas na alon nitong Martes ng umaga matapos masira ang makina.   Ligtas naman ang lahat ng sakay ng fast craft na Wessam Express 7 na kinabibilangan ng 41 pasahero at 15 crew. Ayon sa isang pasahero, paatras pa lang ito malayo ng pantalan ng Ormoc nang namatay ang makina at tinangay sila ng malakas na alon papunta sa baybayin ng Brgy. Alegria na may 500 meters ang layo mula sa pantalan.   Gumamit ang pinasanib na rescue unit ng Coast Guard, Ormoc Rescue at Bureau of Fire Protection ng hagdan at lifeline na lubid upang mailigtas ang lahat na pasahero.  Naglagay din ng lubid para magsilbing parang zipline sa pagsagip. Ginamit din ang boom truck ng bumbero upang maibaba ang mga bagahe ng mga pasahero. Tumagal din ng mahigit isang oras ang isinagawang pagsagip sa mga sakay ng fast craft. Isang matanda ang dinala sa ospital matapos magreklamo ng pagkahilo. Tumangging magbigay muna ng pahayag ang kapitan ng fast craft na si Capt. Roberto Salvaña. Bago ang insidente, nakaranas ng magdamag na malakas na buhos ng ulan ang Ormoc na nagdulot ng mga pagbaha sa ilang lugar. - Ronnie Roa/FRJ, GMA News