Pamamahala ni PNoy sa nakaraang 3 taon, binigyan ng mababang grado ng ilang obispo
Bagsak kung hindi man pasang-awa ang nakuhang grado ni Pangulong Benigno Aquino III mula sa ilang arsobispo ng Simbahang Katoliko para sa nakaraang tatlong taon ng kanyang termino. Sa pananaw ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, bigo si Aquino sa kampanya nito na burahin ang katiwalian sakabila ng kanyang campaign slogan na "daang matuwid." Basahin: Govts seen as less effective in fighting corruption, survey shows Paglilinaw ng retiradong arsobispo, bagaman hindi tiwali si Aquino, wala naman daw itong kakayanan na wakasan ang korupsiyon sa pamahalaan. Dagdag pa ni Cruz, hindi pinapansin o hindi siniseryoso ng mga kaalyado at opisyal sa gobyerno ang kampanya ng pangulo. Puna pa niya, reactive at hindi pro-active si Aquino pagdating sa pagharap sa mga problema ng bansa. “The president is reactive, walang kuryente sa Mindanao ay pupunta siya tapos konting speech tapos na, yung Atimonan massacre, pinaimbestigahan tapos na. Ngayon may pinapaimbestigahan na naman na pork barrel scam? tingnan natin kung saan pupunta 'yan," pahayag ni Cruz nang hingan ng pananaw sa nalalapit na State of the Nation Address ni Aquino sa Lunes. Patuloy ni Cruz, ang mga mayayaman lamang ang nakikinabang sa sinasabing paglago ng ekonomiya kung pagbabatayan ang patuloy na pagdami ng mga mahihirap. Basahin: Palace exec: Global study shows Pinoys' recognition of Aquino's drive vs corruption Iginiit nito na mali ang programa ng pamahalaan na magkaloob ng pinansiyal na tulong sa mga mahihirap sa paraan ng conditional cash transfer program sa halip na bigyan sila ng trabaho. Dahil din sa hindi umano pagkilos sa malalaking problema ng bansa, pasang-awa naman ang gradong ibinigay nina Basilan Bishop Martin Jumoad at CBCP-NASSA chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo kay Aquino. Kabilang sa tinukoy na mga usapin ng obispo ay ang korupsiyon, reporma sa agraryo, pagmimina, mga larong sugal, pabahay sa mga mahihirap, at mga kuwestiyon sa resulta ng nakaraang halalan. Nanawagan si Pabillo kay Aquino na maging mapagpakumbaba at ihayag sa kanyang talumpati sa SONA ang kanyang mga pagkukulang. Kasabay nito, hinimok ni incoming CBCP president Lingayen-Dagupan archbishop Socrates Villegas ang mamamayan na ipagdasal ang mga opisyal ng pamahalaan. Ayon sa arsobispo, kailangang ipagdarasal ang mga namumuno sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno dahil na rin sa napakabigat nilang tungkulin at pananagutan sa bayan. Sinabi ni Villegas na hindi na dapat hintayin pa na magkaroon ng kontrobersiyal o malalaking isyu bago ipagdarasal ang mga namumuno sa bansa. -- MP/FRJ, GMA News