Filtered by: Topstories
News

Mina o awit ng balyena: Laban ng mga taga-Babuyan Islands vs black sand mining


Kilala ang Isla ng Camiguin sa Babuyan Channel bilang tahanan ng mga balyenang umaawit habang nagniniig, subalit maririnig pa kayang muli ang kanilang kanta kung tuluyan nang payagan ang pagmimina ng black sand sa isla?

Huling linggo ng Hunyo, nakakita ang mga residente ng Camiguin Island ng isang malaking barko sa may baybayin ng kanilang isla, paglalahad ni Shirley (hindi niya tunay na pangalan).

Ship sucking sand off Camiguin Island spotted by residents. photo from Stop Black Sand Mining in Camiguin Norte Babuyan Islands group
Natakot umano ang kanyang anak sapagkat hindi ito sanay makakita ng ganoon kalaking barko. Sa paglalarawan nito, may dalawang malaking hose umano ang barko na tila sumisipsip ng buhangin. Ilang oras din umanong nagtaggal ang barko sa baybayin katapat ng eskuwelahan ng kanyang anak.

Matapos sumipsip ng buhnagin ang unang pagkakita sa barko, may isang pang barko na papalit dito. Parang nagsasalitan umano sa pagkuha ng buhangin ang mga ito.  

Dito na nagsimula ang pagtatanong ng mga residente kung ano ang ginagawa ng mga barkong ito na wala man lamang pangalan, marka, o identipikasyon.

Nalaman na lamang ng mga taga-Camiguin na mga Taiwanese pala ang nasa likod ng mga operasyon nang dumalaw sa kanilang Baranggay Captain ang mga opisyales ng barko. Nakumpirma rin ng mga residente na black sand mining ang pakay ng mga ito.

Walang konsultasyon sa publiko?

Paliwanag ni Shirley, nagkaroon lamang ng mga pagpupulong ukol sa black sand mining ilang araw matapos dumating ang mga barko sa kanilang lugar. Aniya, imbes na konsultasyon ang nangyari, pinagalitan pa umano ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Calayan ang mga residente.

Ang munisipyo ng Calayan sa probinsiya ng Cagayan ang nakakasakop sa Camiguin Island.

Photo from Stop Black Sand Mining in Camiguin Norte Babuyan Islands group
Nagsagawa ng petisyon ang mga residente ng Camiguin laban sa pagmimina subalit tinatakot umano ng mga kawani ng pamahalaan ang sinumang pipirma rito.

Ayon pa kay Shirley, ilang pampublikong guro ang tinanggal ng mga opisyal sa tungkulin matapos pumirma ng mga ito sa petisyon.

Sa isang panayam ng GMA News Online kay Calayan vice mayor Florencio de Guzman, itinanggi nito na mayroong operasyon ng mina sa nasabing isla. Ayon dito, kumuha lang umano ng “sample” ang mga barko.

“Pending application ata ang company [na nagsagawa ng operasyon], sampling lang ito for testing. They extracted small quantities,” aniya.

Dagdag pa nito, nagkaroon na ng information at education campaign ang Mines and Geoscience Bureau ukol sa mga maaaring epekto ng black sand mining sa lugar. Kasabay na rin diumano ito sa konsultasyon sa publiko na natapos na noong Linggo.

“Intially, may opposition pero pagkatapos nilang malaman ‘yung rules and regulation, wala nang violent reaction,” sabi pa nito.

Habol ng mga minero ang magnetite na makikita sa mga buhangin particular na sa mga buhangin na kulay itim.

Ang magnetite ay isang importanteng sangkap sa paggawa ng bakal.

Itinuro ni Shirley si De Guzman bilang isa sa mga opisyal na kasama ng mga kawani na nangunguna sa mga pagpupulong.

Samantala, hindi naman nagbigay ng paliwanag ang opisyal nang tanungin ito ukol sa mga guro na diumano’y tinanggal sa kanilang pwesto dahil sa pagpirma sa petisyon kontra mina. “Hindi pwedeng tanggalin ang mga guro…. Hindi ko ma-explain in detail.”

Nang tanungin ito kung pabor ba ang lokal na pamahalaan sa black sand mining, aniya: “Hindi muna kao magkomento diyan. We have to seek experts’ assistance. Wala pa tayong masusing pag-aaral [kung talagang makakatulong sa komunidad iyan.]”

Ilegal na operasyon?
 
Sa isang panayam kay Calayan Mayor Alfonso Cusi nitong Biyernes, ipinaliwanag nito na walang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan ang pagpunta ng mga barko sa Babuyan Islands.
 
“Alam ng Diyos ‘yan na hindi ko alam ‘yan (black sand mining). Hindi nagpaalam sa akin [ang mga barkong ‘yun],” aniya.  
 
Dagdag pa niya, sa loob ng 12 taon ng kanyang pamamahala kasama ang  kanyang kapatid na dati ring mayor, wala silang inaprubahan na permiso sa kahit anong uri ng pagmimina.
 
“In the past 12 years, wala kaming inentertain na mining permit. Around 20 companies ang mga applications [na natanggap namin],” ani Cusi.
 
Matapos niya umanong malaman na may dumating na mga barko sa isla ng Camiguin, agad niyang pinatungo ang pulis at coast guard upang kausapin ang mga opisyal ng mga nasabing barko.
 
“Sabi ng pulisya, may pinagpaalamanan daw na mataas na tao ‘yung mga opisyal ng barko [kaya nakapunta sa isla],” aniya.

Ang epekto sa mga tao at kalikasan

Bagama’t wala pang pag-aaral sa direktang pinsala ng black sand mining sa populasyon ng mga balyena na matatagpuan sa Camiguin, ayon kay Gregg Yan, communications manager sa World Wildlife Fund-Philippines, posibleng itaboy ng operasyon ng mina ang populasyon ng mga humpback whale sa isla.

Paliwanag ni Yan, maapektuhan ng pagmimina ang sahig ng karagatan (ocean floor). Ang pagsipsip sa buhangin ay magdudulot ng sedimentation na makapapatay sa mga buhay na bahura. Ang mga isdang dati ay naghahanap ng pagkain sa mga coral reef ay maghahanap na ng ibang lugar.

Dahil dito, ang mga dolphin at balyena na kumakain sa mga isda na nagpupunta sa bahura ay hindi na rin dadalaw sa lugar sapagkat wala na silang makakain dito.

“[Sand mining] will choke off the sea’s ecosystem,” ani Yan sa isang panayam ng GMA News Online.  Dagdag pa nito, ang Babuyan Channel ay isang “key biodiversity area” sa bansa sapagkat dito makikita ang pinakamaraming uri ng dolphin at balyena. Sa katunayan, tanging sa Camiguin Island matatagpuan ang mga humpback whales sa bansa.

Bukod sa pinsala sa kalikasan, maapektuhan din ang mga residente ng isla.

Maaari umanong magkaroon ng erosion sa dalampasigan kapag dumating ang malalakas na alon tuwing tag-ulan.

“Kung magkaroon ng erosion sa ocean floor ay mababawasa ang shoreline. Mapanganib ‘yan sa mga coastal dweller lalo na pagdating ng mga bagyo,” aniya.

Dahil din sa kakaunting isda, liliit ang kita ng mga residente ng Camiguin na umaasa lamang sa mga yamang-dagat para sa kanila kabuhayan.

“It is actually choosing between mining and the humpback whales kasi kung magmimina ka papatayin mo na forever ang ecosystem at mag-iiba na ang migration path ng mga cetaceans (dolphin at whales),” dagdag pa nito. — LBG/ELR, GMA News