Isa sa nasugatang biktima ng sumabog na yunit ng Two Serendra, pumanaw na
Pumanaw na ang isa sa mga biktima ng sumabog na yunit ng Two Serendra na si Angelito San Juan nitong Huwebes, dakong 12:30 ng umago nitong Huwebes sa St. Lukes Medical Center sa lungsod ng Taguig.
“Ikinalulungkot ko pong sabihin na si Mr. Angelito San Juan po ay pumanaw na po... 12:20 this morning,” pahayag ni Atty. Raymond Fortun, abogado ng biktima.
Batay aniya sa mga natanggap niyang impormasyon sa mga nakalipas na araw, lalong lumubha ang kondisyon ni San Juan na nagtamo ng matinding sunog sa katawan.
“Ako naman ho ay nakakatanggap ng daily medical updates mula dun sa kapatid and talagang especially ho itong mga last 10 days, talaga napaka… malubha ho talaga 'yung mga balita na dumadating. Almost daily po siya na merong blood transfusion dahil po sa possible infection po. Tapos yung kidney niya po talagang hindi ho nagpa-function properly at araw-araw din po siya na nagkakaron ng dialysis para ho matanggal ho yung poison po dun sa katawan niya," ayon kay Fortun.
Matatandaan na noong ika-31 ng Mayo, isang malakas na pagsabog ang naganap sa unit na nirentahan ni San Juan sa Serendra Condominium complex na ikinasawi ng tatlong tao at ikinasugat ng limang iba pa.
Ayon sa imbestigasyong pinangungunahan ng Interior Department, hindi bomba kundi gas leak ang sanhi ng pagsabhog.
Hinihintay na lamang sa ngayon ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng inter-agency task force. — RC /LBG, GMA News