Alam niyo ba ang pinakamalaking uri ng bulaklak sa mundo na "Rafflesia" ay matatagpuan sa Southeast Asia, kabilang na ang Pilipinas. Ang Rafflesia ang itinuturing pinakamalaking uri ng bulaklak sa mundo, at ang 10 klase nito ay sa Pilipinas lang makikita. Wala itong dahon, ugat o puno at dumepende lamang sa isang uri ng baging na kung tawagin ay "Tetrastigma." Kilala rin bilang “corpse flower” ang Rafflesia dahil sa mabahong amoy na inilalabas nito na tila nabubulok na laman. Sa halip na bubuyog ang dumapo sa bulaklak, langaw ang naaakit nito dahil sa kakaibang amoy. Ayon kay Dr. Jeanmaire Molina, isang botanist at propesor sa University of Brooklyn, panahon pa ng mga dinosaurs ay may Rafflesia na. Dagdag pa niya, tanging sa rehiyon ng Southeast Asia lamang matatagpuan ang nasabing bulaklak. Itinuturing critically endangered species ang mga uri ng Rafflesia sa Pilipinas, ayon sa Protected Areas and Wildlife Bureau. Sa ngayon, kinikilala ang Pilipinas bilang Rafflesia hotspot sa buong mundo dahil sa dami ng Rafflesia species na matatagpuan sa bansa. Ilan sa mga bulaklak na ito ay matatagpuan sa lalawigan ng Quezon, Laguna, Antique, Compostela Valley, Bicol, South Cotabato, Panay, Kalinga, at Quirino. Sa isang panayam kay Mary Ann Cajano, museum technician sa University of the Philippines – Los Baños Herbarium, ang pinakamalalaking bulaklak ng Rafflesia ay matatagpuan sa mga liblib na kagubatan ng Visayas at Mindanao. Samantala, ang mas maliliit na klase ng bulaklak ay matatagpuan sa Luzon. Ang Rafflesia arnoldii ng Malaysia ang may hawak ng record bilang pinakamalaking bulaklak, pumapangalawa rito ang Rafflesia schadenbergiana na matatagpuan naman sa Mt. Apo sa Davao. Ang pinakamaliit na uri ng Rafflesia ay tinatawag na Rafflesia manillana ay matatagpuan sa Luzon. Maaaring umabot sa mahigit tatlong talampakan ang laki nito, habang ang pinakamaliit na uri ay lagpas sa anim na pulgada. Sa nakalipas na sampung taon, halos may nakikitang bagong uri ng Rafflesia sa Pilipinas taun-taon. Sa katunayan, ani Dr. Molina, may pinag-aaralan ang mga siyantipiko na bagong uri ng Rafflesia na nakita sa Luzon.
Bulaklak ng turismo Bilang pagpapahalaga sa naturang bulaklak, ginawang icon ng plant conservation ang Rafflesia sa Southeast Asia. Ito rin ang state flower ng Sabah sa Malaysia at Surat Thani sa Thailand. Ngunit hindi tulad sa ibang bansa (gaya ng Indonesia, Malaysia at Thailand) na ginawang tourist attraction ang naturang bulaklak, hindi pa itinuturing na pang-akit sa mga turista ang Rafflesia sa Pilipinas. Ayon kay Dr. Molina, hindi pa rin sapat ang kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa nasabing bulaklak kaya hindi ito pa nabibigyan ng mas malaking pansin. “[May] lack of awareness ang mga tao kaya [minsan] pinaglalaruan lang ng mga bata… [Baka nga] hindi nila alam na tayo na ang hub ng Rafflesia diversity samantalang sa ibang bansa, in comparison, napakalaking simbolo ng conservation sa kanila ang Rafflesia,” aniya. Kung magiging tourist attraction umano ang mga lugar kung saan makikita ang naturang bulaklak, makatutulong ito upang mas lumawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa Rafflesia. “Hindi sikat [ang Rafflesia sa bansa] kasi lahat ng sikat sa atin mabango at saka may economic importance o ‘yung mapagkakakitaan ng pera. Kasi hangga’t hindi nacucultivate sa botanical garden or nalalaman as tourist attraction, hindi siya magiging sikat dito,” aniya. “Kung mapopromote nga ‘yung idea na ginagawa sa Malaysia [na tourist attraction ang Rafflesia] talagang I bet yung mga farmers na nakatira malapit sa forest ay pangangalagaan nila talaga ‘yung bulaklaks kasi dadayuhin sila ng mga turista para lang makita ‘yun,” dagdag pa nito. --
FRJ, GMA News