Filtered By: Topstories
News

Bahay sa Ilocos Sur, nasunog dahil sa pagtama umano ng kidlat


Isinisisi sa kidlat ang pagkasunog ng isang bahay sa Santiago, Ilocos Sur na naganap habang kasagsagan ng malakas na pag-ulan, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes. Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos, sinabing walang nasagip na mga gamit ang may-ari ng natupok na bahay na gawa lang sa light materials. Kwento ni Gng. Susan Elefante, may-ari ng bahay, nasa kapitbahay sila at walang tao sa kanilang bahay nang bumuhos ang malakas na ulan at sinundan ng mga pagkidlat. Isang kidlat umano ang tumama sa bubungan ng kanilang bahay na pinagmulan ng sunog. Hindi na umano nila nagawang apulahin ang apoy dahil sa takot na lumabas bunga ng patuloy na pagkulog at pagkidlat. Katunayan, hindi kalayuan sa nasunog na bahay, apat na puno ng niyog ang tinamaan din ng kidlat at isa dito ang naputol. Sa San Rafael, Capiz, isang magsasaka naman ang nasawi matapos ding tamaan ng kidlat habang nagtatrabaho sa palayan. Bago umano mangyari ang trahedya, nakatawag pa umano ang biktima sa kanyang misis kaya hinihinala na ang paggamit nito ng cell phone ang dahilan kaya siya tinamaan ng kidlat. - FRJ, GMA News

Tags: kidlat, lightning