Filtered By: Topstories
News

Mabigat na daloy ng trapiko, dahilan kaya na-late si PNoy sa dinaluhang pagtitipon


Sino ang mag-aakala na maging ang pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas ay magiging "biktima" ng mabigat na daloy ng trapiko at magiging dahilan para ma-late sa kanyang pupuntahang pagtitipon.   “Hindi ko inaasahan, ma-traffic everywhere,” bungad ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Advanced Device and Materials Testing Laboratory sa compound ng Department of Science and Technology (DOST) sa Taguig City nitong Biyernes. Ikinuwento ni Aquino sa mga taong dumalo sa pagtitipon kung bakit atrasado siya ng may 30 minuto ang kanyang pagdating at ang ginawang pagtawag kay Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino.   “Tinawagan ko na po si Chairman Tolentino na baka gusto niyang mag-traffic at mabawasan ang abala sa ating mga kabuhayan,” ayon sa pangulo.   Dahil sa bigat ng daloy ng trapiko, sinabi ni Aquino na kinailangang dumaan ang kanyang convoy sa ibang kalsada para mapabilis ang pagbiyahe.   “Ngayon ko lang inakala na galing pong Malacañang, kailangang dumaan ng Roxas Boulevard para umabot ng Taguig,” sabi niya.   Kilala si Aquino na hindi ipinapagamit sa kanyang convoy ang "sirena" o "wang-wang" sa pagbiyahe sa kalye at tumitigil din kapag nasa "red" ang traffic light.   Sinubukan ng GMA News Online na makuha ang panig ni Tolentino tungkol sa pagtawag sa kanya ng pangulo at reklamo sa trapiko pero hindi siya sumasagot sa mga tawag. -- JGV/FRJ, GMA News

Tags: traffic, mmda, aquino