Filtered By: Topstories
News

Eskwelahan sa Dagupan City, gagamit na ng e-books sa pasukan


Mapalad ang ilang mag-aaral sa isang elementary school sa Dagupan City, Pangasinan na makikinabang sa donasyong mga laptop na may naka-install na mga electronic book o e-book. Sa ulat ni Jett Arcillana ng GMA-Dagupan sa "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing 153 units ng laptop ang ibinigay ng isang non-governmental organization sa Lucao Elementary School. Tinatayang mahigit 500 mag-aaral sa grade 4,5,6 ang sinasabing makikinabang sa mga e-book na naglalaman ng lesson sa Math, English, Science, Filipino at Hekasi. Ayon sa mga guro, malaking tulong ang mga e-book para matugunan ang problema ng bansa sa kakulungan ng mga libro. Dahil nakakonekta ang mga laptop sa isang central unit na tinawag na active board na nagsisilbing instructional server ng mga libro, magagawa na rin dito ang pag-check ng mga pagsusulit. Gayunpaman, sinabi ng isang guro na patuloy pa rin nilang ipagagamit sa mga bata ang mga nakalimbag na libro upang mabalanse ang kanilang pag-aaral. - FRJ, GMA News

Tags: ebook, education