Sumadsad na lumang barko, tanging depensa ng PHL sa Spratlys
Tanging ang isang sumadsad na World War II warship – na binabantayan ng mangilan-ngilang tauhan ng Philippine Marines – ang "last line of defense" ng Pilipinas laban sa mga pagtatangka ng Tsina na sakupin ang mga isla sa West Philippine Sea o ang buong South China Sea.
Nagsisilbing himpilan ng mga sundalo ng Pilipinas ang sumadsad na US tank-landing vessel sa Second Thomas Shoal sa Spratly Islands.
Sadya umanong inabandona ang barko upang magsilbing base ng mga sundalo, pahayag ng dating commader ng Western Commad na si Juancho Sabban, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
"Their lives are very hard... but they are marines. They are used to that kind of thing," ayon kay retired general Sabban.
"There is no ground, they live on a grounded ship. They depend only on supplies that are delivered to them on logistics runs," dagdag pa ni Sabban.
Nakakuha ng atensyon kamakailan ng nasabing shoal at ang mga sundalong Pilipino nitong linggo matapos ihayag ng pamahalaan ng Pilipinas ang umano'y "ilegal at mapanghamong" pagpaikut-ikot doon ng ilang barkong pangdigma ng Tsina.
Ito umano ang pinakahuli sa serye ng agresibong mga hakbang ng Tsina na angkinin ang buong South China Sea, bagay na ikinataranta naman umano ng Pilipinas, ayon sa AFP.
Kasama ngayon sa mga pinopostehan ng Tsina ay ang Panatag Shoal (Bajo de Masinloc) na inaari ng Pilipinas.
Ipinangalandakan ng Tsina na sakop nito ang halos buong South China Sea, kahit ang mga karagatang malapit na sa mga baybaying-dagat ng ilang mga bansa sa Timog-Silangang Asya.
Iginigiit din ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan na may karapatan sila sa ilang bahagi ng pinagtatalunang karagatan, bagay na maaaring pagmulan ng sigalot sa buong rehiyon.
Dose-dosenang mga sundalong Vietnamese ang namatay sa bakbakan noong 1974 at 1988 laban sa China sanhi ng pag-aagawan ng mga isla doon na pinaniniwalaang mayaman sa langis at gas na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar.
Lahat ng mga claimant, maliban sa Brunei, ay kanya-kanyang nagtalaga ng mga tropa sa ilang mga isla sa Spratlys upang igiit ang kanilang claim.
Siyam na mga isla sa Spratlys ang inookupa ng Pilipinas, kabilang na ang Thitu island, pangalawang pinakamalaking isla sa lugar.
Ang Second Thomas Shoal ay isang maliit na grupo ng mga isla at mga bahura, 200 kilometro hilagang-kanluran ng Palawan, pinakamalapit na landmass sa lugar.
Ayon kay Eugenio Bito-onon, tumatayong alkalde sa mga lugar sa Spratlys na inaangkin ng Pilipinas, ang shoal ay may haba na walong kilometro at may hugis oblong.
"It sinks at high tide," pahayag ni Bito-onon sa AFP.
Nabili ng Pilipinas mula sa US noong 1976 ang BRP Sierra Madre, may habang 100-metro na amphibious vessel. Sadya umano itong pinasadsad noong 1990s upang magsilbing "shelter" ng garrison, ayon kay Bito-onon.
Ayon naman kay defense department spokesman Peter Galvez, ang barko ay nakagagawa ng sarili nitong electricity sa pamamagitan fuel-powered na makina nito, kaya nakakapag-enjoy ang mga sundalo doon ng indoor entertainment gaya ng mga pelikula at video games.
"It's still a functioning ship. It's just considered a ship in distress," ayon kay Galvez.
"Satellite phones also keep them in contact with their families during tours of duty, which last between three and six months," ayon naman kay Sabban.
Matapos magprotesta ang Pilipinas noong Martes sa pag-aligid ng mga barko ng Tsina doon, iginiit ng Tsina na sila lamang ang nagmamay-ari sa mga islang pinagtatalunan.
"China has indisputable sovereignty over the Nansha islands and their adjacent waters," ayon sa foreign ministry spokesman ng Tsina na si Hong Lei.
"Patrols by Chinese official ships in the waters are justified," dagdag pa ni Hong. — LBG, GMA News