Ilang PCOS machines, nagkaaberya sa araw ng eleksyon
Ilang oras lamang nakalipas mula nang magsimula ang eleksyon 2013, mga ilang dosena na rin umanong PCOS machine ang naiulat na nasira.
Sa katunayan, kasama umano ang PCOS machine sa presinto ni Pangulong Benigno Aquino III ang naiulat na nasira, ngunit gumana na ito nang makarating ang pangulo umaga nitong Lunes. Pumila si Aquino upang bumoto.
Ayon naman sa Comelec, maliit lamang ang bilang ng mga nasirang machine kumpara sa kabuuang bilang ng mga nito. Ayon sa poll body, inaasahan na nila ang pagkasira ng dalawang porsyento o tinatayang 1,560 PCOS machines mula sa kabuuang 78,000 machines.
Gayunpaman, pinaaalalahan ni Comelec spokesman James Jimenez ang mga botante na maaari pa rin silang bumoto kahit sira ang PCOS machine sa kanilang presinto. Ilalagay ito mamaya sa mga gumaganang PCOS machine upang mabilang.
Bago ang eleksyon ngayong araw, marami ang kumuwestiyon sa mga kondisyon ng PCOS machines dahil tatlong taon ding nakatago ang mga ito.
Ito ang parehong machines na nirentahan ng Comelec sa unang automated elections ng bansa noong 2010 at kalaunang binili ng gobyerno noong 2012.
Pagkaantala sa pagboto ang mag-asawang Villar
Samantala, sa Las Piñas, nasa harapan na ng pila sina Senator Manny Villar at ang asawa niyang si Cynthia, na tumatakbo sa pagka-senador, nitong Lunes ng umaga nang masira ang PCOS machine. Nanumbalik ang operasyon nito matapos ayusin ng Comelec technician.
Sa Lubao, Pampanga, naiulat ni GMA reporter Lia Mañalac-del Castillo na nasira ang isang PCOS machine matapos tumanggap ng sampung balota.
Ayon kay Mañalac-del Castillo, itinago na muna ng Board of Election Inspectors (BEIs) ang mga hindi tinanggap na balota habang naghihintay ng utos mula sa kanilang executive officer. Sa ngayon, sinusubukan pa ng BEI na mapalitan ang mga machine sa Lubao.
Samantala, nag-malfunction naman ang PCOS machine sa Sorsogon at kinailangang paulit-ulit na subukan upang maka-online, ayon sa hiwalay na ulat ni GMA TV reporter Sherie Ann Torres.
Ibang mga insidente
Samantala, ayon naman sa ulat ni Glen Juego sa radio dzBB, may ilang mga botante ang nagreklamo matapos hindi mahanap ang kanilang mga pangalan sa listahan ng isang polling area sa Marikina City.
Bago naman magsimula ang eleksyon nitong umaga, iniulat ni GMA senior reporter Jiggy Manicad na apat hanggang limang pagsabog ang narinig mula nitong Linggo ng gabi malapit sa isang checkpoint sa labas ng Shariff Aguak, Maguindanao, isang election hotspot.
Kinokonsiderang election hotspot ang Maguindanao kung saan kadalasang may kaguluhan tuwing eleksyon. Ito rin ang lugar kung saan 58 katao, kabilang na ang 32 tauhan ng media, ang namasaker noong 2009 kaugnay ang eleksyon. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News