Filtered By: Topstories
News

Sino si Felix Huerta at bakit ipinangalan sa kanya ang isang kalye sa Sta Cruz area?


Isa sa mga kilalang kalye sa Sta Cruz area sa Maynila, lalo na sa gawing Tayuman ang Felix Huerta(s) Street.  Ipinangalan ang kalyeng ito sa isang pari na kinikilalang may malasakit sa mga mahihirap at maysakit noong panahon ng mga mananakop na Kastila? Si Fr. Felix de Huerta, ay isang Franciscan scholar at missionary sa Pilipinas na kilala sa kaniyang mga isinulat tungkol sa kasaysayan ng mga parokya ng Simbahang Katoliko sa bansa. Itinuturing malaking tulong sa kasaysayan ng Pilipinas ang iniwang mga datos at tala ni Fr. Huerta lalo na sa mga lalawigan. Pero bukod dito, nakilala rin si Fr Huerta sa kanyang pamamalasakit sa mga mahihirap at mga maysakit tulad ng ketong. Sa pagsisikap ni Huerta ay naipagpatuloy ang pagpapatayo ng San Lazaro Hospital na kumakalinga sa mga pasyenteng may malubhang karamdaman noong 1859. Ipinagpatuloy din niya ang naunang plano ni General Francisco Carriedo na maitayo ang unang water system sa Maynila noong 1882 para magkaroon ng malinis na tubig ang mga mahihirap na Pilipino. Bukod pa diyan ang ginawang pagkumbinsi ni Fr Huerta sa Arsobispo ng Maynila na magtatag ng unang bagkong Monte de Piedad para makautang ang mga mahihirap kapalit ng mababang interes at tubo. - FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia