Presinto ng pulis-Maynila, pinasabugan ng pillbox
Nagtamo ng pinasala ang isang presinto ng pulisya sa may Sta. Ana, Manila, matapos itong hagisan ng isang pillbox ng hindi pa nakikilalang mga tao madaling-araw nitong Biyernes. Ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa radio dzBB, patuloy pa ring nangangalap ng impormasyon ang mga imbestigador ukol sa mga suspek na mabilis na nakatakas sa lugar matapos ang pagsabog. Ang tinamaan ay ang police community precinct ng Manila Police District Station 6 sa Dagonoy area sa Sta. Ana, Manila. Nawasak ang pinto ng presinto samantalang nagdulot naman ng isang crater malapit sa pasukan ng presinto. Nasira rin ang ilang upuan at karatula sa presinto. Ayon kay Superintendent Remegio Sedanto, hepe ng MPD Station 6, nangyari ang insidente dakogn alas-3 ng madaling araw, ayon sa inisyal na imbestigasyon. Ayon sa pulis, hindi nila iniaalis ang posibilidad na ang insidente ay maaaring kagagawan ng isang sindikato na nalagasan kamakailan ng isang miyembro matapos makipag-engkwentro sa pulisya. Tinitignan din daw nila ang posibilidad na may kinalaman dito ang isang sindakato ng iligal na droga. Ang isa pang posibilidad ay kagagawan ito ng nag-aaway na gang sa lugar. — LBG, GMA News