Filtered By: Topstories
News

9 na pasahero ng isang mini-bus, sugatan sa aksidente sa Ilocos Sur


Siyam na pasahero ang isinugod sa ospital matapos mabangga ang sinasakyan nilang mini-bus sa bahagi ng bundok sa Narvacan, Ilocos Sur nitong Martes. Ayon sa drayber ng bus na may rutang Bangued-Vigan, nawalan siya ng preno sa pababa at pakurbang kalsada sa Sitio Kakaldingan, Lungog, Narvacan, Ilocos Sur kaya bumangga sa bahagi ng bundok. Ligtas na ang siyam na pasaherong nasugatan sa aksidente na itinakbo sa Abra Provincial Hospital dahil sa tinamo nilang mga sugat at galos sa ulo at mukha. Ayon sa mga awtoridad, itinuturing accident prone ang lugar dahil na rin sa posisyon ng kalsada na pababa at pakurba. Kaya naman muling nagbigay ng payo ang mga awtoridad sa mga bumibiyahe na tiyaking nasa magandang kondisyon ang mga sasakyan para makaiwas sa disgrasya. – Jean Erica P.Labiano/FRJ, GMA News