Filtered by: Topstories
News

Phivolcs: Walang panganib ng tsunami dala ng lindol sa Indonesia


Walang dapat ikabahala ang publiko sa naganap na magnitude-7.2 na lindol sa Indonesia dakong tanghali nitong Sabado. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, hindi nila nakikitang magdudulot ng tsunami ang pagyanig. Ayon kay Phivolcs science research specialist Mylene Enriquez, nagtaas sila ng tsunami alert para lamang malaman ng publiko na walang panganib na idudulot sa Pilipinas ang nasabing lindol. "May kalaliman ang lindol kaya hindi siya nag-generate ng tsunami," aniya sa isang panayam sa dzBB. Ayon sa Phivolcs, may preliminary magnitude na 7.2 daw ang lindol, pero "no destructive Pacific-wide threat exists based on the historical and tsunami data." Bagaman sinabi ni Enriquez na karaniwan daw ay nagkakaroon pa rin ng local tsunamis na maaaring makapinsala sa mga nakatira malapit sa pampang na nasa loob ng 100 kilometrong radius mula sa sentro ng lindol. "This is for information purposes only and there is no tsunami threat to the Philippines from this earthquake," ayon naman sa isang advisory mula sa Phivolcs na inilabas nitong 12:57 p.m. ng Sabado. — JGV /LBG, GMA News