Filtered By: Topstories
News

Cedula o community tax certificates, dapat na bang alisin?


Sa modernong panahon ngayon ng teknolohiya, panahon na nga bang alisin ang Spanish-era cedula o community tax certificates na binabayaran at nakukuha sa lokal na pamahalaan? Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) chief Kim Henares na dapat itigil na ang pag-iisyu ng cedula kung saan ang lokal na pamahalaan lang ang kumikita. Makababawas umano sa gastusin ng gobyerno ang pag-alis sa cedula dahil ang BIR ang gumagawa ng mga resibong ipinamimigay sa mga lokal na pamahalaan. Hindi man nagbigay ng eksaktong halaga, sinabi ni Henares na "in millions" ang matitipid ng gobyerno kapag itinigil nila ang pag-imprenta ng cedula. "Iyong kinita ng local government sa cedula hindi pumupunta ni isang kusing sa BIR (or) sa national government," anang opisyal. "Hindi ko alam kung saan napupunta sa local government, pero magkano ba ang nakukuha nila?," tanong pa niya. Ayon kay Henares, makabubuting magsimula sa pag-alis sa mga hindi na kailangan kung magkakaroon ng reporma sa patakaran, at isa na rito ang pag-alis sa cedula na ipinatutupad mula pa noong panahon ng mga mananakop na Kastila. "Ang cedula ay isang bagay na hindi na kailangan ngayon. Spanish time pa 'yan eh. Ngayon nga 'pag nagno-notarize ka hindi na pinapansin ang cedula eh kasi alam ng lahat ng tao kahit saan pwede kumuha ng cedula," paliwanag niya. Ang residence certificate ay isang legal identity document na makukuha sa lokal na pamahalaan kapalit ng bayad. Ang singil para makakuha ng cedula ay depende kung estudyante at walang trabaho, kung magkano ang kinikita ng isang indibidwal, at para sa korporasyon. Pero puna ni Henares, hindi naman lahat ng kumukuha ng cedula ay hindi tapat sa idinedeklara nilang kita. Sa ulat ng GMA news "24 Oras," inamin ng isang opisyal ng Manila City Hall na marami ang hindi nagsasabi ng totoo sa idinedeklara nilang kita kapag kumuha ng cedula. Gayunman, malaki umano ang pakinabang ng lokal na pamahalaan sa koleksiyon sa cedula. Ang 50 porsiyento umano ng koleksiyon ay napupunta sa barangay at ang kalahati naman ay sa lokal na pamahalaan. Noong panahon ng Kastila, kailangang may dalang cedula ang mga "Indio" upang patunayan na hindi sila "indocumentado" kapag nasita. Bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang ginawang pangunguna ni Andres Bonifacio ng pagpunit sa mga cedula bilang paglaban sa mga mananakop. -- Mark Merueñas/FRJ, GMA News

Tags: talakayan, cedula