Filtered By: Topstories
News

9 na taong gumaganap na Hudas sa Senakulo, piniling maging si Kristo ngayong taon


Makaraan ang siyam na taong pagganap sa papel bilang si Hudas sa taunang Senakulo sa barangay Cupang North sa Balanga City, Bataan, nagdesisyon ang isang obrero na gampanan ngayon Semana Santa ang papel bilang si Kristo na ipapako sa krus. Sa Biyernes Santo, nakatakdang ipako sa krus si Renato dela Cruz, 26-anyos, residente ng Cupang, Balanga City, na bahagi ng senakulo sa Balanga. Mayroon ding hiwalay na senakulong ginagawa sa mga bayan ng Samal, Abucay at Orani. Ngunit kung dati ay itinatali lang sa krus ang kamay ng mga gumaganap na Kristo, ngayong taon ay pumayag si dela Cruz na magpapako, gaya nang ginagawa sa senakulo sa Cutud, San Fernando, Pampanga. Sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang, sinabi dela Cruz na sariling pasya niya na magpapako bilang bahagi ng kanyang panata. “Pinipigilan naming mag-asawa pero may panata raw siya kaya sabi ko na lamang mag-ingat siya, maagang matulog at uminom ng gatas,” ayon kay Gng. Asuncion, ina ni dela Cruz. Ayon kay Jun Domeng, isa sa mga organizer ng senakulo, nakipag-ugnayan na sila sa City Health Center para sa kanilang kauna-unahang pagpapako sa krus. “Ang pagganap sa senakulo ay hindi lamang dahil sa panata namin para sa aming pamilya kundi para malaman ng mga tao kung ano ang nangyari noong nakaraan. Natutuwa kami na pumayag si Renato dela Cruz na magpapako sa krus,” pahayag ni Domeng.   Sinabi naman ni Geofrey Timbang, isa rin sa mga organizer, na isinailalim nila sa X-ray ang mga kamay ni dela Cruz para matiyak ang kaligtasan nito. “Sabi ng doktor, sa gitna ng palad pakuan at iwasan ang buto,” dagdag niya sabay pakita ng x-ray film kung saan dapat ipatama ang pako.   Nagsagawa na rin ng pagsasanay sa senakulo para matiyak na magiging maayos ang lahat.   “Mas magandang magpapako dahil doon malalaman ang tunay na kahulugan ng Mahal na Araw,” ayon kay Milagros Cruz, 60-anyos, na nagpahayag na unang pagkakataon niyang makakakita ng taong ipapako sa krus.   Nagpaalala naman si Dr. Ben Bautista, Rural Health II physician ng Balanga City, tungkol sa peligro sa paggamit ng maruming pako at kung sakaling may tamaang ugat sa pagpako sa palad ng tao.   “Dapat hindi na magpapako. Pero kung magpapapako, dapat sterilized at stainless ang pako. Kapag binunot na pako, gamitan ng first aid, hugasan at lagyan ng antiseptic at takpan ang sugat para hindi dapuan ng insekto,” payo niya.   Ipinahayag naman ni Rev. Fr. Abraham Pantig, parish priest ng St. Joseph Cathedral ng Balanga City,  na hindi dapat gawing literal sa senakulo ang ginawang pagsasakripisyo ni Kristo. “Ang ginawa ng Panginoong HesuKristong pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay na muli ay minsan lang ginawa at Siya lamang ang gumawa,” ani Fr. Pantig. "“Ang pagpapahirap ng pisikal sa katawan tulad ng pagpapapako sa krus ay hindi masasabing akma sa pananampalatayang Kristiyano.”   Dagdag na paalala ng pari, “Ang Mahal na Araw ay nagpapaalaala sa atin ng lubos na pagbabago, pagtalikod sa kasalanan at pagsunod sa kalooban ng Diyos.” -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News

Tags: semanasanta