Filtered by: Topstories
News

Mga Ati sa Boracay nagprotesta para sa hustisya sa pagpaslang sa lider na si Dexter Condez


BORACAY Island — Nagkilos-protesta ang mga Ati sa Boracay para hingin ang hustisya sa pagpaslang sa kanilang lider na si Dexter Condez, spokesman ng Boracay Ati Tribal Organization. Bitbit ang mga placard at streamer, naglakad ng halos dalawang oras ang mga Ati mula kanilang komunidad sa Barangay Manoc-Manoc hangang sa Sto. Holy  Rosary Parish sa Barangay Balabag, Boracay. Maliban sa placards, ipinakita rin ng mga Ati ang ilan sa kanilang mga kagawian tuwing may ililibing sa kanilang hanay, katulad ng pagpapatunog ng budyong, pagdala ng ataul habang magkahawak-kamay at sama-samang paglalakad ng malayo para ihatid ang namatay na kasamahan sa kaniyang huling hantungan. Binaril at namatay si Condez noong ika-22 ng Pebrero matapos ang isang pagpupulong. Ang mga Ati ay binubuo ng may 40 pamilya at patuloy nilang ipinaglalaban ang lupain na ipinangako sa kanila ng pamahalaan. Nauna nang sumuko sa awtoridad ang suspek sa pagpatay kay Condez at itinangi nito ang kinalaman sa krimen. Matapos dalhin sa simbahan ang mga labi ni Dexter noong naklipas na linggo, nag-vigil ang mga Ati sa compound ng parokya at naghahanda para sa libing noong Sabado ng umaga. Umaasa ang mga ati na makamit ang hustisya para kay Dexter at maibigay na sa kanila ang ipinangakonglupa ng pamahalaan. — Jun Aguirre / Ratsada, GMA News Iloilo