Filtered By: Topstories
News

DSWD office sa Davao, 'nilusob' ng mga umano'y biktima ng bagyong 'Pablo'


Nilusob ng mga nagpoprotestang biktima umano ng bagyong "Pablo" nitong Martes ang local office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Davao City at tinangay ang sako-sakong bigas. Sa ulat ng GMA News TV Live, sinabing hindi napigilan ang mga nagpoprotesta na tangayin ang mga bigas na ipinamimigay ng DSWD sa mga nasasalanta ng kalamidad. Isang babae rin ang nasaktan sa komprontasyon ang mga pulis at mga demonstrador. Nawasak din ang gate sa compound ng DSWD nang lumusob ang mga sinasabing biktima ng bagyo na hindi raw naabot ng tulong ng gobyerno. Sa hiwalay na ulat, sinabi ni Senior Superintendent Ronald de la Rosa, director ng Davao City Police Office (DCPO), na tinatayang aabot sa 2,000 ang mga demonstrador na nagmula sa Compostela Valley at Davao Oriental ang lumusob sa regional office ng DSWD sa Suazon St., Davao City dakong 11 a.m. Ang mga demonstrador ay sinasabing pinamunuan ng mga militanteng lider. Tinangay din umano ng mga demonstrador pero nasabat din ng mga pulis ang may 600 kahon ng noodles, 3,000 food packs, 150 kahon ng mga kape . Dahil sa insidente, naglagay ng tactical command post sa loob ng DSWD compound ang mga pulis at nanatili sa labas ang mga demonstrador. Disyembre 2012 nang manalasa ang bagyong Pablo sa Mindanao kung saan aabot sa 1,000 katao ang nasawi. -- FRJ, GMA News