Kuha ni Mandy Fernandez
Isinagawa nitong Araw ng mga Puso ang One Billion Rising campaign, ang sama-samang pagkilos upang kondenahin ang karahasan sa mga kababaihan sa Pilipinas at sa buong mundo. Isinagawa ang One Billion Rising sa Pilipinas sa Tomas Morato Avenue sa Quezon City. Ginawa rin ito sa 19 na iba pang lungsod sa bansa tulad ng Baguio, Zamboanga, Cebu, Bacolod, Iloilo, Kalibo, Naga, Legazpi, Dumaguete, at Davao. Kabilang sa mga nakiisa sa One Billion Rising ay ang grupong Gabriela, Akbayan, Kapuso star na si Bela Padilla at stage actress Monique Wilson. "The Philippines is one of the first countries, together with Australia and New Zealand, to rise for the One Billion Rising Global Campaign, ahead of all the others. We are proud to say that with the broad support of local governments, businesses, NGOs, and various sectors, the Philippine Rising is already a success," pahayag ni Wilson. Sinabi naman ni Padilla sa ulat ng
Balitanghali nitong Huwebes, na namulat siya sa usapin ng karahasan sa kababaihan nang gawin niya ang afternoon soap sa GMA-7 na
Magdalena. Ang
Magdalena na pinagbidahan mismo ni Padilla ay istorya ng babaeng inabuso at napilitang lumaban para sa kanyang karapatan. Nagsimula ang programa nitong 7:00 a.m. sa St. Scholastica's College sa Vito Cruz Manila, na dinaluhan ng mahigit 500 mag-aaral at miyembro ng faculty. Nagkaroon naman ng flash mob at sayawan bago magtungong Tomas Morato sa Quezon City. Pagsapit ng 9:00 a.m., nagmartsa ang grupo mula sa Scout Rallos hanggang Scout Madrinan sa Tomas Morato Avenue, kung saan nagsagawa muli ng flash mob at sama-samang pagsayaw. Dakong 4:00 p.m. nang gawin ang pre-program ng iba't ibang organisasyon, at nagsimula ang main event dakong 6:00 p.m.
Biktima ng karahasan Ayon kay Obeth Montes, deputy secretary general ng Gabriela Women's Party, lumitaw sa datos na sa bawat 43 minuto ay mayroon isang babaeng nagiging biktima ng pang-aabuso sa Pilipinas. Kabilang sa mga pang-aabusong ito ay panghahalay, domestic violence, sexual harrassment, diskriminasyon, prostitusyon, sex trafficking, at white slavery. Sa Pilipinas, sinasabing pinakamarami ang naiuulat na domestic violence o ang pang-aabuso sa mga asawa, ayon kay Montes. "Ang pumapangalawa doon ay rape, na siyempre mahirap para sa isang victim na lumabas at mag-report. So ang tantiya namin, 'yong rape ang mas matindi. Kumbaga, number one rin iyan," dagdag niya. Ang sexual harassment naman umano ang maituturing pinaka-karaniwang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan. “Parang halos lahat ng babae, at one point of their life, nakaranas ng sexual harrassment," aniya. "Halimbawa niyan, ito yung dadaan ka lang sa kalsada, bigla kang sisipulan, umupo ka sa jeep, pagsakay mo may bubunggo-bunggo sa'yo sa breast."
Love and respect Sa isang pahayag, sinabi ni Sylvia Estrada-Claudio, convenor ng Akbayan Women’s Committee, na nais nilang ipalaganap ang pagmamahal at respeto sa kababaihan sa pakikiisa sa One Billion Rising campaign. “On Valentine’s Day, we want to spread the love and respect for women’s rights and welfare. We want to remind people that physical or emotional violence or even the threat of violence is a grave abuse of women’s rights," ani Claudio, director din ng University of the Philippines Center for Women’s Studies. Naniniwala siya na mawawakasan ang karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay kapangyarihan din mismo sa mga kababaihan. “When men refuse to accept that women are equal, or are superior, to men, and men feel the need to control women, then they resort to violence to establish their dominance. In this case, violence becomes an issue of power, and this is why it is important to understand that violence happens on different levels," paliwanag ni Claudio. “Ending violence is therefore a necessary condition for empowering women," pagdiin niya.
'Di lang pisikal Kasabay ng pakikiisa sa One Billion Rising campaign, namahagi rin sa mga tao ng love notes, bulaklak at heart shaped stickers, sa Philcoa, Quezon City ang grupo. Mayroon din silang mensahe na “give me a hug, ‘wag umbag," at “real men heart women," para ipanawagan ang pagwawakas ng karahasan sa mga kababaihan. “Knowing that violence against women persists on a massive scale is winning half the battle. We have to remember that violence is not only the physical or the sexual violence, but that violence also includes, economic, emotional or psychological. The threat of violence in itself is violence, because women’s behavior are restricted by these threats as well," ani Claudio. Mahalaga rin umano ang partisipasyon ng mga lalaki sa kampanya kontra sa karahasan sa kababaihan. Tinawag ng Akbayan na, “Ang Tunay na Lalaki (TNL), nagmamahal, hindi nanakit." “The participation of men is very important in ensuring the empowerment of women, especially because men have traditionally maintained power over women and the affairs of the society, which is the core of the oppression of women," patuloy ni Claudio. —
FRJimenez, GMA News