School field trip, dapat bang ipagbawal o higpitan lamang?
Matapos ang trahedya sa educational tour sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal noong weekend na ikinasawi ng isang 14-anyos na high school student at pagkaka-ospital ng isa pang mag-aaral, naging katanungan kung dapat pa bang ipagpatuloy ang field trip na ginagawa ng mga eskwelahan? Sa nakaraang panayam kay Rey Ramirez, ama ng nasawing mag-aaral na si Rio Bianca, nanawagan siya sa Department of Education (DepEd) na pag-aralan at repasuhin ang panuntunan sa pagdaraos ng field trip. “Mahirap isakripisyo ang buhay ng anak ko, pero ayokong maranasan ng ibang magulang na mangyari ito sa anak nila. Kung mayroong curriculum para sa field trip, alisin na natin. Mag-focus na lang tayo sa academics," pahayag ni G. Ramirez sa panayam sa kanya GMA News TV's “News To Go" noong Lunes. Nasawi si Rio Bianca matapos masagasaan ng bus na kanilang sinasakyan sa field trip, at nahagip din ang isa pa niyang kaklase na si Pamela Joyce Ann Enriquez. Lumitaw sa imbestigasyon na dumaosdos ang bus sa inilagay na kalso (sa gulong) nang iwan ito ng drayber para kumuha ng tubig na ilalagay sa radiator. Nahagip nito ang mga biktima na nagpapahinga at nagpa-picture sa isang naka-display na sasakyang pang-militar. Nitong Miyerkules, inihayag ni DepEd assistant secretary for legal affairs Tonesito Umali, na hindi dapat tuluyang ibasura ang field trip pero aminado itong kailangang maging mahigpit sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral. Paliwanag ng opisyal, may natutunan ang mga mag-aaral sa field trip, tulad ng pagbisita sa mga museum at historical places. Una rito, sinabi rin ni DepEd communications director Tina Ganzon na dapat planuhing mabuti ng mga paaralan seguridad at kaligtasan ng mga sumasamang estudyante. Tinawag na "unfortunate event" ni Dr. Amancio Villamejor, school division superintendent ng Malolos City, ang nagyaring trahedya sa Rizal. “This is a very unfortunate incident. Siguro pantawag pansin na rin talaga ito para ma-minimize ang educational tours at mapaigting ang precautionary measures kung magho-hold man talaga ng field trips," anang opisyal. Gayunman, aminado siya na mayroon mga natutunan ang mga bata sa field trip. “Part ito ng learning process kaya hindi puwedeng matanggal entirely. May mga bagay talaga na mas maa-appreciate ng mga bata kung makikita nila," paliwanag ni Villamejor. Sa ipinalabas na guidelines ng DepEd sa pagsasagawa ng educational tour, nakasaad na, “no field trips should be taken without the written consent of the parents, or the student's guardians." Ipinagbabawal din ang field trip sa mga noontime show at malls, at hindi rin dapat parusahan ang mga estudyante na hindi sumasama sa mga educational tour. Idinagdag naman ni Umali na walang saysay ang pinapa-pirmahang waiver ng eskwelahan sa mga magulang sa pagsama ng bata sa field trip kung lumilitaw na nagkaroon ng kapabayaan sa bahagi ng nag-organisa ng lakad. -- FRJimenez, GMA News